TANONG ng ordinaryong Pinoy, natanggap mo na ba ang iyong National ID?
Marami-rami pa ring Pinoy na nag-apply para sa National ID ang naghihintay pa rin na ma-release ito.
Kahit may isang taon nang nakapag-apply para rito.
Ano raw ba ang dapat gawin, puntahan sa main office para ma-claim o hintayin na lamang?
Pero may good news ang Philippine Statistics Authority (PSA) dahil sa 92 milyon nilang target, 88 milyon na ang nakapagparehistro para sa Philippine Identification System (PHILSYS) ID o national ID.
Pero teka, huwag malito, ang pahayag ng PSA ay nakapagparehistro at hindi pa ito na-release.
Gayunpaman, bigyan natin ng benefit of the doubt ang pamahalaan.
Dahil ayon kay PSA Deputy National Statistician Fred Sollesta, malapit nang makamit ang target na rehistro para sa National ID ngayong taon.
Aniya, naipamahagi na ng PSA ang 51.5 milyong physical cards habang ang 3 milyon ay kasalukuyang ipinamamahagi.
Sana ay kabilang kayo sa nakatanggap na sa nasabing bilang.
Dagdag pa ni Sollesta, naipalabas na ang 25 milyong EPHILIDS o ang digital version ng National ID na maaaring maiprint sa registration centers.
Sana nga ay matapos na ang issuance ng National ID para naman maramdaman ng taumbayan ang “ease of doing business” ng pamahalaan.