SA PAGKAKASABATAS ng Philippine Identification System Act noong nakaraang Agosto 6, 2018, inaasahan na milyon-milyong mga Filipino ang mabibiyayaan ng mas mabilis na paghahatid ng serbisyo publiko sa pamamagitan ng pinag-isang talaan ng impormasyon at pagkakakilanlan ng bawat Filipino. Gayundin, inaasahang ang bagong sistemang ito ay makatutulong sa pag-iwas sa mga insidente ng pagpapanggap at panloloko ng ilan nating tiwali at mapagsamantalang mga kababayan sapagkat bahagi na ng magiging database ang biometrics at iris scan ng ating mga kababayan.
Ibayong ginhawa ang maidudulot ng PhilSys para sa mga Filipino. Una, hindi na mapupuno ang ating mga wallet ng sangkatutak ng identification cards para sa napakarami nating transaksiyon sa mga ahensiya ng gobyerno. Sa pinag-isa at sentralisadong database na maitatatag sa ilalim ng batas na ito, hindi na kailangang magkaroon ng hiwa-hiwalay na ID para sa GSIS, SSS, Philhealth, Pag-ibig Funds, at iba pang mga pagkakakilanlan kung may transaksiyon sa mga opisinang nabanggit. Pangalawa, at atin ng nasabi, maiiwasan ang mga kaso ng paggamit ng katauhan ng iba upang makapanloko o makapagsamantala. Pangatlo, mas pabibilisin at padadaliin ng bagong sistemang ito ang pagbibigay ng mga benepisyo at serbisyong nararapat matanggap ng ating mga kababayan, higit lalo yaong mga nangangailangan ng agarang tugon ng gobyerno. Iwas-korupsiyon at red-tape din ang isang kabutihan ng sistemang ito na makatutulong sa pagpapakilala at pagpapalakas ng kultura ng ease of doing business sa bansa.
Kaalinsabay ng pagbubuo ng Implementing Rules and Regulations para sa National ID System Law, nais kong ipanukala na sa pagsilang pa lamang ng isang sanggol ay magkaroon na siya ng kanyang natatanging citizen identification number na kaparehas ng mga numerong nasa katibayan ng pagsilang o birth certificate ng sanggol na ito. Sa ibang mga bansa, ang kalimitang edad ng pagbibigay ng national ID ay kapag labing-walong taon gulang na ang mamamayan. Layunin ko sa mungkahing aking nabanggit na isa na lamang numero ang gamitin ng bawat mamamayan ng Filipinas mula sa kanyang pagsilang hanggang sa kanyang pagpanaw. Mas magiging madali rin para sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagsisimula ng implementasyon ng batas na ito sapagkat nasa kanilang pag-iingat ang lahat ng mga birth certificates ng mga Filipino. May ilang mga magiging isyu marahil sa paggamit ng serial number sa birth certificate sapagkat maaring ang iba ay hindi nairehistro ang birth certificate o sadyang wala pang katibayan ng pagsilang. Makatutulong ng malaki ang mga lokal na pamahalaan upang masigurong walang isinisilang sa kanilang lugar na hindi naipatatala sa tanggapan ng Local Civil Registrar. Mangilan-ngilan na lamang marahil ang ganitong mga kaso sapagkat matagal nang programa ng PSA ang pagsisiguradong ang bawat mamamayan sa bansa ay rehistradong Filipino.
Sa pagsulong ng implementasyon ng bagong batas ukol sa national ID system, mabigyan nawa ng higit na atensiyon ang mga mahihirap na kasapi ng ating lipunan at yaong nabibilang sa sektor ng senior citizens. Sa aking palagay, sila ang nararapat na unang makinabang sa pagpapatupad ng batas na ito sapagkat higit silang nangangailangan ng pagkalinga ng ating gobyerno.
Ang Philippine Identification System Act nawa ang maging kasangkapan hindi lamang sa pag-iisa ng talaan ng mga Filipino. Maging instrumento rin nawa ito sa pagbabago at pag-aangat ng pamumuhay ng mga maralitang Filipino.
Comments are closed.