NATIONAL ID SYSTEM APRUB SA DILG

Sec Eduardo Año

SUPORTADO ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang implementasyon ng national identification system na magpapabilis sa pakiki­pagtransaksiyon sa gobyerno at pagbibigay ng serbisyong pampubliko.

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año na magi­ging madali at mabilis na ang pakikipagtransaksiyon ng publiko sa mga ahensiya ng pamahalaan dahil isang ID na lamang ang hihingin sa kanila sa pagkuha ng mga serbisyo.

“Magiging maginhawa para sa publiko at gobyerno kapag nagkaroon na ng national ID system. Mapapasimple at mapapaikli ang mga proseso dahil hindi na kailangang magpakita pa ng maraming ID o sumulat sa iba’t ibang form para lamang patunayan ng isang tao ang kanyang pagkakakilanlan sa kanyang pakikipag-ugnayan sa gobyerno man o pribadong institusyon,” saad nito.

Idinagdag pa ng DILG chief na  lahat ay matutulungan ng ID system dahil magkakaroon na ng libre at valid government ID ang lahat ng Pilipino. “Hindi na kailangang gamitin ang cedula bilang pagkakakilanlan,” aniya.

Dahil wala nang aberya sa pagpresinta ng IDs, magiging mabilis na ang pakikipagtransaksiyon at paghatid ng pangunahing serbisyo sa publiko.

“Ang pagkakaroon ng national ID system ay pagsuporta sa mga naunang pagsisikap ng pamahalaan na pabilisin ang sistema at proseso ng kalakaran sa gobyerno. Ito ay bahagi ng itinutulak na pagbabago ni Pa­ngulong Duterte,” aniya.

Ang ID card ay magagamit sa pagbubukas ng bank accounts, pagpaparehistro bilang botante, pagpapa-admit sa ospital o sa mga eskuwelahan, aplikasyon sa pasaporte at lisensiya, paghiling ng social welfare services at iba pang benepisyo sa ibang ahensiya ng pamahalaan.

Kamakailan, inaprubahan ng Senado at House of Representatives ang pagkakaroon ng isang bersiyon ng national ID bill.  JOEL AMONGO

Comments are closed.