PIRMADO na at ganap nang batas ang National ID system na ipinanukala ni Senador Panfilo Lacson na inaasahang mapakikinabangan na ng taumbayan.
Ang naturang panukala na inumpisahang isulong ni Lacson noong 2001 nang ito ay maging senador sa unang pagkakataon ay ganap nang nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang Republic Act 11055 sa isang seremonya sa Malacañang.
Ipinaabot ni Lacson ang personal niyang pasasalamat sa Pangulo dahil bagama’t halos nasa kalagitnaan pa lamang ang termino nito ay napabilang na ang panukala sa mga nalagdaan bilang batas.
Sa ilalim ng nabanggit na batas, mapabibilis na ang transaksiyon ng isang indibidwal sa mga ahensiya ng pamahalaan oras na magkaroon siya ng ID dahil ito na lamang ang pagbabatayan ng kanyang pagkakakilanlan.
Sa kasalukuyang sistema, kinakailangan pang magprisinta ng dalawa o mas marami pang government-issued ID ang isang nakikipag-transaksiyon sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga bangko bago maiproseso ang mga papeles nito na nagiging dahilan para maantala ang pag-usad.
Bukod sa mga transaksiyon sa pamahalaan at mga bangko, makatutulong din ang National ID para matukoy o mahanap ang mga taong may atraso o kaya ay may mga kinasasangkutang kriminalidad.
“At long last, we now have a law that breaks the formidable barriers between government and the downtrodden and the poor due to the lack of identification,” paliwanag ni Lacson. VICKY CERVALES
Comments are closed.