NATIONAL ID SYSTEM EPEKTIBO NA SA AGOSTO 25

NATIONAL IDENTIFICATION

NAKATAKDANG ipatupad na sa darating na Agosto 25 ang National Identification System sa buong bansa.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang Philippine Identification System (PhilSys) Act ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakalipas na Agosto  9.

Ipinaliwanag ni PSA chief and National Statistician Lisa Grace Bersales, nakasaad sa batas na magiging epektibo ang naturang batas 15-araw  matapos na maipalabas sa mga pangunahing diyaryo sa bansa.

“Kapag na-publish na [ang IRR] puwede na kaming mag-procure at i-implement ang national ID,” dagdag pa ni Bersales.

Napag-alaman, sa pagsisimula ng pagpapatupad ng batas ay maglalabas ang PSA ng isang milyong IDs kung saan kasama sa mga maunang mabibigyan ay ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Nakalagay sa nasabing ID ang pangalan, address, birthdate, place of birth, kasarian, blood type, larawan at biometrics.

Gayundin, naglaan ang pamahalaan ng inisyal na P2 bilyong pondo para sa pagpapatupad ng Philippine Identification System.

Ang nasabing budget ay nakapaloob sa 2018 General Appropriation Act.

Comments are closed.