NATIONAL ID SYSTEM IPATUPAD NA

Senate President Vicente Sotto III

UPANG matugunan ang pagkakaiba-iba sa database ng national government at local government units (LGUs) , isinusulong ni Senate President Vicente Sotto III ang “full blown execution” ng national ID system sa bansa.

Sa ipinadalang mensahe ni Sotto sa viber group ng Senate reporters, sinabi nito na ang pagpapatupad ng national ID system ang siyang reresolba sa discrepancies sa listahan sa  pagitan ng LGUs at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Mungkahi pa nito  na  ngayon na dapat  ipatupad ang ID system para maresolba ang problema sa pamamahagi sa distribusyon ng Social Amelioration.

Ayon pa kay Sotto, 100 porsiyento na pumapayag si Finance Secretary Carlos Domingues III sa kanyang mungkahi.

Nauna na rin pinuna ni Senador Panfilo Lacson ang umano’y malaking agwat sa pagitan ng projection ng executive department sa listahan ng kanilang beneficiaries para sa emergency subsidy program kaysa sa datos ng LGUs.

Maraming reklamo na rin umano ang local officials kaugnay sa “quota system” na ipinapatupad  ng DSWD  sa bawat siyudad at bayan para sa P200 bilyon Social Amelioration Program na nasa ilalim ng RA 11469 o ang Bayanihan to Heal as One act.

Sa ilalim ng batas, 18 milyon na mahihirap na pamilya ang bibigyan ng emergency cash na P5,000 hanggang P8,000  sa loob ng dalawang buwan. VICKY CERVALES

Comments are closed.