NANINIWALA si Senadora Imee Marcos na malaki ang maitutulong ng National ID system para sa mabilis na pagkontrol sa anumang uri ng mga epidemiya o mga public emergency sa bansa.
Sa paggamit ng national ID system bibilis ang data-sharing at koordinasyon ng mga ahensiya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan sa pagtunton at pagtukoy sa mga tinatamaan ng epidemiya.
Anang senadora, kung nagamit ang national ID, hindi na nahirapan ang mga awtoridad na tuntunin at tukuyin ang mga hinihinalang infected ng novel coronavirus na nakasabay sa eroplano ng magkarelasyon na Chinese mula Wuhan na kapwa nagpositibo sa virus.
Sinabi ito ng senadora kasunod ng pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III sa Senate hearing nitong Martes na 58 lang ang na-assess sa 331 na pasaherong kasabay ng magkarelasyon na Chinese na may virus.
“Ang national ID system ay isang digital information backbone na ginagamit ngayon para habulin ang paglaganap ng nCoV sa Wuhan at sa buong China. Tanggapin natin ang kagandahan ng sistemang ito para sa kapakinabangan ng publiko at huwag nang kontrahin para sa pansariling dahilan,” ayon kay Marcos.
Noong Agosto 2018 nilagdaan ni Pangulong Duterte ang legalisasyon ng national ID system kung saan gagamit na lang ng isang ID kapalit ng napakaraming ID sa mga transaksiyon sa gobyerno at mga pribadong sektor gaya ng aplikasyon sa health care, insurance, lisensya, travel reservations at pagbubukas ng bank accounts.
Sa registration ng national ID sa Hulyo, uunahin ang pagpaparehistro sa mga Pinoy at mga foreign permanent resident, at isusunod ang OFWs sa kalagitnaan ng 2021. Target ng makumpleto ang pagpaparehistro ng lahat sa 2022. VICKY CERVALES
Comments are closed.