NATIONAL OPEN: VERDADERO,  CUYOM MOST BEMED-ALLED ATHLETES

4x100 meters mixed relay

ILAGAN City, Isabela – Itinanghal sina Veruel Verdadero at Eliza Cuyom bilang most bemedalled athletes sa 2018 Ayala National Open Invitational Athletics makaraang pangunahan ang Dasmariñas City sa panalo sa girls’ and boys’ 4×100 meters mixed relay event sa Ilagan Sports Complex dito kahapon.

Ang koponan na kinabibilangan nina Lord Angel Santos at Jessel Lumapas ay naorasan ng 46.55 segundo upang gapiin ang CSF Knights, na binubuo nina Mark Vincent Quiambao, Michaelangelo Batalona, Janice Patdu at Hazel Yumul, na nagtala ng 48.39 segundo.

Pumangatlo ang Team Iskolar-Calamba City nina John Ruffer Pablo, Jhon Paul Rabina, Abcd Agamanos at Erica Marie Ruto na may 49.24 segun-do.

Sina Verdadero at Cuyom ay nag-ambag ng tig-apat na ginto sa Dasmariñas City, na nangunguna sa team standings na may 10 golds, 5 silvers at 1 bronze.

Sumusunod sa Dasmarinas Cavite ang University of the Philippines (9-14-9), host Ilagan (8-2-1), Army (6-3-4), Adamson University (4-2-3), La Salle (3-3-2)  at Ateneo (3-1-2).

Makukuha ni Verdadero ang pinakaaasam-asam na MVP title kapag nadominahan ng kanyang koponan ang 4x100m relay kung saan siya ang gaga-nap na anchor runner, kasama sina Jayson Jabol, John Lloyd Cabalo at Santos, sa torneo na inorganisa ng PATAFA at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez at ng Ayala Foundation.

Ang dalawa pang ginto ng Dasmariñas City ay nagmula kina Lumapas (girls’ 200 meters) at Evangelene Caminong,  na nangibabaw sa girls’ long jump at nagtala ng bagong Philippine juniors record sa high jump event ng heptathlon noong Sabado.

Ang 16-anyos na si Verdadero ay naghari rin sa boys’ 100-meter run, 200-meter run at sa 4×400-meter mixed relay, kasama sina Edwin Giron, Jr. at magkapatid na Charlaine at Charmaine Deocampo.

Si Verdadero, isang Grade 11 student mula sa Emilio Aguinaldo College-Dasmariñas, ay nanalo sa 100-meter event sa 2018 Palarong Pambansa sa Vigan, Ilocos Sur, at sa 2017 Palaro sa San Jose, Antique.

“Ibinuhos ko na lahat ang aking lakas para manalo,” sabi ni Verdadero, medalist din sa Asian Youth na ginanap sa Russia.

Gayunman ay nabigo siyang pantayan ang 10.74 segundo na naitala ni Daniel Noval sa Thailand Open Athletics noong 2012.

“Ok lang. Masaya naman ako at nanalo ako. Ang goal ko ay manalo tulad ng ginawa ko sa Palarong Pambansa at natupad ko,” sabi pa ni Verdadero.

Samantala, nagwagi rin sina Laila Tuliao sa hammer throw girls (19.25 meters), Ernie Calipay sa high jump boys (1.90 meters), James Lozanes sa javelin boys (56.73 meters), at Francis Medina sa 400m hurdles men (52.21 seconds).

Ang torneo ay batayan at sukatan ng mga atleta na sasabak sa Asian Games sa Agosto sa Indonesia kung saan muling mapapalaban ang mga Pinoy sa mga bigating atleta sa rehiyon. CLYDE MARIANO

Comments are closed.