NATIONAL POLICE TRAINING INSTITUTE ISINAILALIM NA SA PNP

POLICE TRAINING

CAMP VICENTE LIM – MAKARAAN ang 28 taon,  ang Phi­lippine National Police (PNP) na ang magtuturo, magsasanay at magdidisiplina sa mga nais maging pulis.

Ito ay dahil pormal nang isinalin ng Philippine Public Safety College (PPSC) kahapon sa  PNP  ang operasyon ng National Police Training Institute (NPTI) at ang 18 regional training centers nito.

Alinsunod ito sa batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Abril 12 sa ilalim ng Republic Act 11279.

Sa nasabing batas,  kasama ring isinailalim sa PNP ang Philippine National Police Aca­demy (PNPA).

Sa turnover ceremony kahapon sa Camp Vicente, Laguna, ikinagalak ni PNP Chief,  Gen.  Oscar Albayalde ang pagsasalin sa res­ponsibilidad ng PNP ang pagtuturo sa mga candidate patrolman at non-commissioned officers.

Sa kanyang speech,  nagpasalamat din ito kay Sen Panfilo Lacson na nag-akda para am­yendahan ang batas at ang PNP na ang magsanay sa mga recruit at kanilang mga tauhan.

Tiniyak ng PNP chief na magpo-produce sila ng competent at morally upright at disiplinadong mga pulis.

Sa pagsalin ni PPSC President Ret. Gen. Ricardo De Leon sa NPTI kay Albayalde, sinabi ng PNP chief na aakto siya sa kanyang responsibilidad.

“Under my command,  I formally accepts the full administrative,  operational provision and control over NPTI and its 18 regional training centers, “ ayon kay Albayalde.

Magkatulad din ang inihayag nina Albayalde at PMGen. Ramon Rafael, director ng NPTI na sisimulan sa institusyon ang matinding internal cleansing sa pulisya.

Kumbinsido rin si Albayalde na dahil sa kanila nang mandato ang training at edukas­yon ng nais maging pulis, ay aangat ang imahe ng pulisya.

Samantala,  sumaksi sa turnover ceremony ng NPTI mula PPSC patungo sa PNP ay sina Napolcom Vice Chair Atty.  Rogelio Casurao at PRO-4A Director BGen Ted Caranza. EUNICE C.

Comments are closed.