NAMAHAGI ng tulong ang National Press Club of the Philippines sa mga miyembro ng media sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19.
Ito ang tugon ng NPC katuwang ang ilang nasa gobyerno na nagbigay malasakit para sa mahihirap na nasa larangan ng pamamahayag.
Ayon kay NPC Vice President Paul Gutierrez, nasa 600 bags na may lamang apat na tig 5 kilong bigas ang ipinadala mula sa tanggapan nina Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar at Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Usec. Joel Sy Egco.
Ito ay ipinamamahagi sa lahat ng miyembro ng NPC, gayundin sa mga lifetime members at iba’t ibang press club.
Sa ngayon ay nasa 236 bags na ang naipamigay ng NPC habang 10 sako na tig-50 kilos naman ang naibigay na rin sa bawat press corps upang mabigyan din ang iba pang media na hindi miyembro ng NPC.
Idinagdag pa ni Gutierrez, target nilang magkaroon pa ng second round at kung hahaba pa ang enhanced community quarantine ay maaari pa itong umabot ng pangatlong pamamahagi.
Kasunod nito, siniguro ni Gutierrez na hanggat mayroon pang dumarating na bigas ay handang ipagkaloob ito ng NPC para sa mga nangangailangang media.
Kasunod nito, mariing pinasalamatan ng buong pamunuan ng NPC ang mabilis na pagtugon ng nasabing mga opisyales sa panahon ng ECQ kabilang na rito ang ACT-CIS Party-list na kinabibilangan nina Cong. Nina Taduran, Cong. Jocelyn Tulfo at Cong. Eric Yap, gayundin ang broadcaster na si Erwin Tulfo na nagpaabot din ng tulong at iba pang donors.
Ani Gutierrez, malaking tulong na rin ang ipinagkaloob na bigas ng nasabing mga opisyal partikular ngayong panahon na karamihan sa mga media ay hindi regular ang trabaho at wala ring tinatanggap na suweldo. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.