NATIONAL PRINTING OFFICE (NPO) ININSPEKSYON NI PANGARUNGAN

KASAMA ang mga mamamahayag at iba’t ibang election observers, ininspeksiyon ni Commission on Elections (Comelec) chairman Saidem Pangarungan ang National Printing Office (NPO) nitong Martes ng hapon.

Ipinakita ni Pangaru­ngan ang  buong proseso ng pag-iimprenta ng mga balota na gagamitin sa May 9, 2022 national elections.

Kabilang sa ipinasilip ay ang proseso ng printing, ang pagdaan sa sheeter machine, storage at verification.

Ipinaliwanag naman ni Printing committee head Commissioner Marlon Casquejo na pagkatapos ng pag-imprenta ng mga balota ay daraan pa rin ito sa verification process.

Pagkatapos ng gaga­wing verification,  ipapasok sa vote counting machine (VCM) ang balota

Kapag tinanggap ng VCM, ikokonsidera na itong good ballot at ididiretso sa ballot exit para sa packing at shipping.

Pero kapag hindi naman tinanggap o depektibo, didiretso ito sa quarantine area, pagpipira-pirasuhin  at magsasagawa na lamang ng reprinting

Nabatid na mahigit 60 milyon ang iimprentang mga balota at target itong matapos sa Marso 28.

Ayon kay Casquejo, sa ngayon ay nasa 49 milyong   balota  ang naimprenta, habang may  5.288 milyon naman ang kailangan ng ‘reprinting’ matapos na may mga  sheets ang kinakitaan ng depekto.

Batay sa timeline ng Comelec, April 20 hanggang May 5 ang deployment ng mga balota. EVELYN GARCIA