NATIONAL STATE OF CALAMITY (Pinadedeklara kay PBBM)

INIREKOMENDA ng National Disaster Risk Reduction and Management Council kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magdeklara ng national state of calamity dahil sa bagyong Paeng.

Ginawa ng NDRRMC ang rekomendasyon sa ipinatawag na full council meeting ni Pangulong Marcos.

Sinabi ni NDRRMC Executive Director Raymundo Ferrer, apektado ang buong bansa dahil sa bagyo.

Pag-aaralan naman ng Pangulo ang rekomendasyon ng NDRRMC.

Inatasan na rin ng Pangulo ang ibat ibang tanggapan ng pamahalaan na magpadala ng relief goods at malinis na tubig sa mga apektadong lugar.

“Dapat unahin natin when it comes to restoring power, mga ospital, mga evacuation centers,” pahayag ng Pangulo.

Isinailalim na sa state of calamity ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao dahil sa matinding pagbaha dulot ng bagyong Paeng.

Ayon kay BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim, sampung munisipyo ang binaha kasama na ang Cotabato City.

Sinabi pa ni Ebrahim na pinaghandaan ng lokal na pamahalaan ang bagyo pero sadyang walang tigil ang pagbuhos ng ulan kung kaya umapaw ang mga ilog at nagkaroon ng matinding pagbaha at landslide.