TAHASANG sinabi kahapon ni Senadora Grace Poe na panahon na para magtatag ng National Transportation Safety Board (NTSB) upang masiguro ang kaligtasan ng mga biyahero sa lupa, himpapawid at karagatan.
Nakapaloob sa inihaing Senate Bill No.125 o proposed National Transportation Safety Board Act of 2019 ni Poe, independent at non-regulatory body ang siyang mag-iimbestiga sa mga transportation-related accident sa lupa, karagatan at himpapawid kabilang ang railway at pipeline systems.
“Gusto natin na ‘pag nagbibiyahe tayo, hindi nalalagay sa hukay ‘yung isa nating paa. Dapat ligtas tayong makakarating sa ating pupuntahan,” giit ni Poe, chairperson of the Committee on Public Services.
P50 milyon ang inaasahang pondong ilalaan sa nasabing bubuuing NTSB.
Reaksiyon ito ng senadora kaugnay sa naganap na trahedya na kinasasangkutan ng tatlong motorized bancas sa Iloilo-Guimaras Strait na ikinasawi ng 28 katao.
Kaugnay nito, hiniling ni Poe sa mga imbestigador na alamin kung sino ang responsable sa naganap na insidente.
“Unang-una, bakit pinayagan na maglayag kahit malaki ang alon at umuulan. Pangalawa, may report na nga na tumaob ‘yung unang umalis na bangka, bakit pinaalis pa ‘yung iba. Pangatlo, bakit may kuwento ang ilang pasahero na wala silang life vest?” giit ng senadora.
Dahil dito, nagpahayag ng pagsuporta si Poe sa panukalang Iloilo-Guimaras Island Bridge upang mas lalong umangat ang ekonomiya sa Western Visayas region.
Sa nasabing plano, gagawa ng 2.6-kilometer tulay na kokonekta sa Iloilo at Guimaras para sa mas mabilis na pagpapadala ng mga produkto at serbisyo gayundin ang pagpapalakas sa turismo sa rehiyon.
Kaya’t maghahain ang senadora ng resolusyon upang malaman ang status ng nasabing proyekto. VICKY CERVALES
Comments are closed.