NATIONWIDE BAN SA PAGGAMIT NG PLASTIC ISUSULONG

Sen Cynthia Villar-2

MULING ipinahayag ni Senadora Cynthia Villar ang panukalang ipag­bawal ang “single-use plastic” sa pagpupulong ng pinuno ng mga ahensiyang naatasang maglinis at mag-rehabilitate sa Manila Bay.

Sa 2nd Principals’ Meeting at Conference ng Manila Bay Task Force na idinaos sa Diamond Hotel, Manila, binigyang-diin ni Villar na ang plastic waste ay nakaaalarma.

“Ang plastic ang isa sa pinakamalubhang nakakapinsala sa ating kapaligiran at pumapatay sa mga yamang dagat. Alam natin lahat iyan dahil sa lahat ng mga cleanups, puro plastic wastes ang nako-collect natin,”ani  Villar.

Iginiit din ni Villar, chairman ng Senate Committee on Environment and Natural Resources na sa kabila ng pagbabawal ng mga siyudad sa paggamit ng plastic, napakalaki pa rin ng ating problema sa plastic.

Bunga nito, naniniwala ang senadora na kailangan ang nationwide ban sa plastic na suportado  naman ni President Rodrigo Duterte.

Sinabi rin ng senadora, magsasagawa siya ng public hearing sa Senate Bill 333 o ang Single-Use Plastic Product Regulation Act na layong i-regulate ang manufacturing, importasyon at single-use ng plastic products.

Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal ang single-use plastics sa food establishments, mga tindahan, merkado at retailers.

Pinaaalalahanan din ang consumers na gumamit ng reusable materials at ang manufacturers na kolektahin, mag-recycle at itapon ang single-use plastics na nasa merkado. Hindi na rin papayagan ang importasyon ng single-use plastics.

“We also seek to amend the 20-year-old Solid Waste Management Act to include the implementation of Extended Producer Responsibility which will require the manufacturers using plastic materials in their packaging to be responsible in recovering the plastic wastes,” dagdag pa ni Villar.

Idinaos ang principals’ meeting bago pa ang pagdiriwang ng first anniversary ng Battle for Manila Bay sa January 26.Itinampok sa pagpupulong ang mga nagawa ng task force gaya ng pagpapababa sa fecal coliform levels sa ilang bahagi ng  Manila Bay mula bilyon at ang matagumpay na relokasyon ng informal settlers.

Pinasalamatan ni Environment Secretary at Manila Bay Task Force Chairperson Roy Cimatu ang mga kasapi ng task force at ang mga taong araw-araw na naglilinis sa Manila Bay.

“What we started here is the beginning of something transformative for the Philippines–a true revolution. Let the battle for Manila Bay rage on!,” ayon kay Cimatu .

Itinatag ang Manila Bay Task Force sa ilalim ng Administrative Order 16 na nilagdaan ni Pa­ngulong Duterte noong February 19, 2019.

Ang AO ay base sa writ of continuing mandamus na ipinalabas ng Supreme Court noong December 2008. Inuutusan dito ang 13 agencies at private entities na maglinis. ayusin at papanatiliing malinis amg  tubig ng Manila Bay kung saan tayo puwedeng lumangoy, mag skin-diving at iba pang contact-recreation. VICKY CERVALES

Comments are closed.