NATIONWIDE ROLL OUT NG MGA BIVALENT VACCINE LABAN SA COVID-19 NALALAPIT NA

HALOS tatlong taon na mula nang magsimula ang pandemyang COVID-19 at hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mutation nito.

Sa Pilipinas, nananatili sa mababang numero ang bilang ng mga bagong kaso kada araw kaya naman patuloy ang pagbabalik sa normal ng takbo ng buhay. Tila natuto na ang mga Pilipino na mamuhay ng normal sa kabila ng pananatili ng virus. Kung dati’y nababalot ng pangamba at takot ang mga mamamayan, ngayo’y tila parang normal na trangkaso na lamang ang turing ng karamihan sa COVID-19.

Noong huling bahagi ng taong 2022, nagsimulang umugong ang mga balitang magsisimulang pumasok sa bansa ang mga 2nd-generation COVID-19 vaccine o mga bivalent vaccine sa taong 2023. Marami ang nasasabik sa balitang ito dahil ang bivalent vaccine ay mabisang panlaban sa orihinal na virus ng COVID-19 at sa Omicron variant, ang dominanteng strain ng COVID-19 sa mundo.

Ayon sa pahayag ni Philippine Council for Health Research and Development Executive Director Dr. Jaime Montoya sa ginanap na World One Health Congress (WOHC)-Temasek Foundation Pinnacle Series noong nakaraang taon sa Singapore, maaaring gawing 3rd booster ang mga bivalent vaccine para sa mga mamamayang natukoy bilang high-risk dahil kaya rin ng bakuna na magbigay ng proteksyon laban sa iba pang strain ng virus. Mas epektibo, aniya, ito kaysa sa mga naunang uri ng bakuna.

Buti na lamang at nagdesisyon ang Department of Health (DOH) na kumuha ng mga naturang bakuna dahil talagang makatutulong ito upang maiwasan ang muling pagkakaroon ng “surge” o biglaang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Kapag tumaas nanaman ito, tiyak na apektado nanaman ang ating ekonomiya.

Sa katunayan, mismong si GO Negosyo founder Jose Maria “Joey” Concepcion ay nagpahayag ng sentimyento ukol dito kaugnay ng usapin ng pagkuha ng mga bagong uri ng bakuna. Nanawagan siya sa pamahalaan na kumuha ng mga bivalent vaccine upang maging handa ang bansa sakaling may pumasok nanamang bagong agresibong variant ng COVID-19 sa Pilipinas. Aniya, hindi na dapat pang maulit ang mga nangyari noong kasagsagan ng pandemya.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pagkalat ng pinakabagong subvariant ng Omicron, ang XBB.1.5. Ito ang dominanteng strain sa ibang bahagi ng US. Una itong na-diskubre sa India noong Setyembre 2022 at mabilis na kumalat sa anim na iba pang bansa. Sa madaling salita, mas mabilis pa itong kumalat kumpara sa orihinal na Omicron variant at ang bagong bivalent vaccine ang natukoy bilang epektibong panlaban dito.

Bagaman wala pa namang naitalang kaso ng XBB.1.5 sa Pilipinas, nagiging mapagmatyag naman ang pamahalaan sa posibleng pagpasok nito sa bansa. Mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM), batay sa kanyang mga pahayag, ay nagbabantay sa kapasidad ng mga ospital. Nagpapasalamat naman si PBBM na hindi naman nagiging problema ang kapasidad ng mga ospital ng bansa sa kasalukuyan.

Ayon naman sa DOH, inaasahang kinalaunan ay makapapasok din sa bansa ang nasabing Omicron strain kaya’t patuloy ang paghihikayat ng ahensya sa mga mamamayan na patuloy na sundin ang mga health protocol na ipinatutupad sa bansa at magpabakuna laban sa COVID-19. Habang nananatili ang pandemyang ito, magpapatuloy ang pagsulpot ng iba’t ibang mga strain kaya talagang mahalaga na ang bawat mamamayan ay nananatiling maingat upang hindi maging mabilis ang pagkalat ng virus sakaling makapasok ito sa bansa.

Para naman sa mga indibidwal na nais magpabakuna, siniguro naman ng DOH na mayroon pa ring mga monovalent na bakuna para sa mga ito dahil magpapatuloy pa rin ang pagiging agresibo ng programang pagbabakuna ng bansa sa kabila ng pagtatapos ng state of public health emergency noong 2022.

Batay sa datos ng DOH, nasa halos 17.5 milyong bakuna ang nanatili sa mga warehouse nito. Anim na milyon dito ay naka-isolate upang mapahaba ang shelf life habang ang mga natitira ay nakatakdang mag-expire sa unang bahagi ng taong 2023. Nawa’y makapagpabakuna na ang mga hindi pa nakakakuha nito upang hindi rin masayang ang mga stock na bakuna ng DOH.

Kaunting paghihintay na lamang at darating na sa bansa ang unang batch ng bivalent vaccines na donasyon ng COVAX Facility. Tinatayang isang milyong Pfizer vaccine ang darating sa bansa bago magtapos ang buwan ng Marso. Gaya noong naunang rollout, prayoridad na mabigyan ng bagong bakuna ang mga A1 – mga health care worker, A2 – mga senior citizen, at A3 – mga indibidwal na mayroong comorbidity.

Ayon kay DOH officer-in-charge (OIC) Maria Rosario Vergeire, kasalukuyan din silang nakikipag-ugnayan sa ibang bansa na nag-alok ng donasyon ng nasabing bakuna. Isang bansa na ang nag-kompirma ng donasyon at pinag-uusapan na lamang ang petsa kung kailan ito ipadadala sa bansa. Hindi mapangalanan ang nasabing bansa hangga’t hindi pa natatapos ang negosasyon. Nakikipag-ugnayan din ang DOH sa Moderna at Pfizer para makakuha ng bivalent vaccines.

Nawa’y dumating na ang mga bivalent vaccine sa lalong madaling panahon upang manatiling protektado ang mga mamamayan lalo na yaong may mga comorbidity. Ginagawa ng pamahalaan ang kanilang responsibilidad na bigyang proteksyon ang bansa at habang naghihintay, bilang mga mamamayan, responsibilidad din nating pag-ingatan ang ating mga sarili.

Ibayong pag-iingat ang susi sa epektibong pag-iwas sa COVID-19. Nawa’y makiisa ang lahat sa pagpapatuloy ng laban kontra COVID-19 hindi lamang para sa ating mga sarili kundi para rin sa ikauunlad ng ating bansa. Nakita na natin kung ano ang mga maaaring mangyari kapag tumataas ang kaso ng virus sa bansa kaya’t sana’y magsilbing aral ito sa atin. Ang pag-iingat sa sarili ay katumbas ng pag-iingat sa kapwa at sa bansa.