NATIONWIDE SATELLITE REGISTRATION ISINAGAWA NG COMELEC

COMELEC

ISANG nationwide satellite registration para sa mga kababaihan ang idinaos ng provincial offices ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes, Agosto 23, sa  State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa.

Ayon sa Comelec, layunin nitong matiyak na mas marami pang kababaihan ang makaboboto sa National and Local Elections (NLE) na nakatakdang idaos sa Mayo 13, 2019.

Nabatid na ang natu­rang nationwide satellite registration ay isinagawa mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa mga covered court ng naturang SUCs.

Kabilang sa mga ini-accommodate ng Comelec sa naturang satellite registration ay ang mga bagong registrants na magiging 18-years old na bago o sa mismong araw ng eleksiyon sa Mayo 13, 2019.

Tumanggap din sila ng mga transferee na nais magpalipat ng rehistro sa ibang barangay o munisipalidad, mga may correction of entries sa kanilang birth certificate, nais na magpa-change of status mula sa single patungong married, gayundin ang mga botanteng nais na magpa-reactivate ng rehistro, matapos na ma-deactivate dahil sa pagkabigong makaboto sa dalawang magkasunod na eleksiyon.

Ang nagpapatuloy na voter’s registration sa bansa ay sinimulan noong Hulyo 2, 2018 at nakatakdang magtapos sa Setyembre 29, 2018. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.