NATIONWIDE STRIKE TULOY

Nakatakdang magsagawa ng nationwide strike ngayong Miyerkoles, Agosto 14, ang transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) upang patuloy na manawagan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipahinto ang pagpapatupad ng Public Transport Modernization Program (PTMP) at pagpigil sa phaseout ng traditional jeepeneys at ipatupad ang Resolution ng Senado sa pagsususpinde nito, dahil sa negatibong epekto umano nito sa mga mananakay at sa kabuhayan ng mga driver at operators sa bansa,   lalo pa aniya at napatunayan na ng mga nagpa-consolidate na nagiging “junk” na lamang  ang mga mahal na imported   mini bus galing China  kapag nasira ito at hindi na pakikinabangan matapos malubog sa utang  ang operators nito.

Ito ay inanunsyo ni PISTON President Mody Floranda.

Sa panayam sa  Pilipino Mirror, ipinaliwanag ni Floranda na batay  sa karanasan ng mga nagpa-consolidate na operators, nagdurusa na lamang  sila sa  pagbabayad sa bangko at naging pabigat na sa buhay nila  ang inutang nilang mga imported na mini bus para sa mga kooperatiba dahil kahit mawala na  ang pagkukunan ng pambayad dito sa oras na natengga ang nasirang units na ito sa  garahe, obligado pa rin   itong bayaran ng mga operators na nangutang nito mula sa bangko para sa mga kooperatiba.

“Kasi phase out na itong mga sasakyan na ito sa ibang bansa tulad ng  China, mga basura na lang ‘yan pati piyesa ng mga yan na itinatambak na lang sa Pilipinas,” sabi ni Floranda.

Bukod dito ay hindi rin naman aniya maituturing ang operator na siya ang may ari ng units na inu­tang niya at magbabayad  nito sapagkat lumilitaw na   hindi niya  pag-aari ito at ang  prangkisa nito. Kadalasan  ay nauuwi rin  ang ganitong set up sa mga di pagkakaunawaan sa loob ng mga kasapi ng mga kooperatiba.

“Delikado pa ito tumataob pa yan pag nagkamali ka ng kabig.Madalas pinupuno pa ng mga namamasada ang mini bus, siksikan para may maipambayad lang sa pagkakautang nito, samantalang dapat hanggang lima lang ang pwedeng nakatayo dito,”sabi ni Floranda.

Bukod dito nanawagan din ang grupo na ipa­tupad ang Resolution na inaprubahan ng Senado kamakailan upang suspendihin ang pagpapatupad ng naturang programa.

Ayon kay Floranda ay dapat  masusing pag aralan ang epekto nito at hindi nakaasa sa rekomendasyon ng gabinete.Ang Senate Resolution umano para sa agarang pagsusupinde nito ay masusing  pinag -aralan,  tinimbang, at pinag- usapan ng mga senador.

“Sinabi kasi ng mga senador, matagal kasi pag batas para maipatigil ito.Kaya para mas mabilis ang action idinaan nila sa Resolution. Balak pa rin nila gawan  ng batas ito,”sabi ni Floranda.

Hinihintay rin nila ang inaasahan nilang magiging kaparehas na hakbang at  panininindigan ng mga kongresista sa Kamara.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia