NATIONWIDE TIGIL-PASADA IKINASA VS PUV PHASEOUT

PUV PHASEOUT

ISANG nationwide tigil-pasada ang ikinasa ng apat na malalaking transport groups sa Setyembre 30.

Ang nasabing transport groups ay kinabibilangan ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), Stop and Go Coalition (SGC), Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON), at Central Luzon transport group.

Sa isang press conference sa Quezon Memorial Circle, sinabi ni Efren de Luna, national president ng ACTO, na nagkaisa sila na tuwirang tutulan ang Public Utility Vehicle Mo­dernization Program (PUVMP) at ang Omnibus ­Franchise Guideline (OFG) o phaseout ng PUVs na ipatutupad sa Hulyo 2020 ng Department of Transportation (DOTr) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa programa ng DOTr-­LTFRB, hanggang Hulyo 1, 2020 na lamang ang lahat ng PUVs at wala nang maaaring mag-operate ng PUV kung ito ay hindi modernized, consolidated, cooperative, at fleet management.

Sama-sama ring nanawagan ang apat na transport groups sa dalawang kapulu­ngan ng Kongreso at kay ­Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng kongkretong sagot o solusyon ang kanilang problema sa transport sector patungkol sa legalidad ng Department Order 2017-011 o OFG at PUVMP ng DOTr at LTFRB.

Sinabi naman ni Jun Magno, national president ng SGC, na sasama na rin sa tigil-pasada sa Setyember 30 ang UV Express at vans.

Tahasang sinabi ng grupo na peke ang isinusulong na modernization program ng DOTr at LTFRB, ngunit ni­linaw na hindi sila tutol sa moder­nisasyon kundi iayos lamang ang sistema at huwag gawing ne­gosyo na pabor sa mga higanteng kompanya at manufacturer.

Dagdag pa nila, umaabot sa P2.3 milyon ang halaga ng bawat unit na talagang hindi kaya ng ordinaryong drivers at operators. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.