(Nat’l ID registration umarangkada na) SEGURIDAD SA 32 PILOT PROVINCES TINIYAK NG PNP

Guillermo Eleazar

INATASAN kahapon ni Philippine National Police (PNP)  Chief Gen. Camilo Pancratius Cascolan ang lahat ng police comman­ders na tiyakin ang magiging “safe and secure” ang magaganap na pag-arangkada ng pagpaparehistro para sa National ID System partikular sa 32 pilot provinces na magsisimula ngayong araw.

Ayon sa Joint Task Force COVID Shield commander Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, binigyan ng direktiba ang mga police commander na simulan na ang pakikipagkoordinas­yon sa Philippine Statistics Authority (PSA) at Local Government Units (LGUs) sa isasagawang “interview and data-gathering” upang masigurong nasusunod ang kinakailangan security at  health safety procedures sa buong panahon ng pagpaparehistro.

Ani Eleazar, mahalaga ang papel ng mga pulis sa isinasagawang national registration para masi­guro ang kaligtasan ng mga enumerators/supervisors na inatasang magsagawa ng  house-to-house visit at mga residenteng bibisitahin.

“Police personnel on the ground should not only ensure the security of those hired by the government to collect data but also to make sure that the minimum health safety stan­dard protocols are properly observed during the entire process of data-gathering,” paliwanag ni Eleazar.

Nabatid na nag-hire ang PSA ng humigit kumulang sa  5,000 katao para magsagawa ng panayam at mangalap ng datos mula sa mga target household o mga pamilya sa may  32 probinsiya.

Sinasabing ang  data-gathering ay unang hakbang pa lamang ng tatlong yugtong proseso kasunod nito, ang pagpunta ng mga tao sa designated centers para sa  biometrics, at ang huling bahagi ay ang pag-isyu ng national ID.

Napag-alaman na ang unang sigwada ng  registration ay magaganap sa  Ilocos Sur, Cagayan, Isa­bela, La Union, Pangasinan, Zambales, Tarlac, Bulacan, Bataan, Nueva Ecija, Pampanga, Cavite, Batangas, Rizal, Laguna, Quezon, Camarines Sur, Albay, Masbate, Antique, Capiz, Iloilo, Negros Occidental, Negros Oriental, Cebu, Bohol, Leyte, Davao del Norte, Davao del Sur, Davao Occidental, Compostela Valley at Tawi-Tawi.

Habang ang pagpaparehistro para sa  Metro Manila residents at sa iba pang lugar ay pasisimulan sa susunod na taon.

Sa  ilalim ng kautusan ni Interior and Local Go­vernment Secretary Eduardo Año, ang JTF COVID Shield at PNP ay siyang makiki pagkoordinasyon sa LGUs para ma-facilitate ang tatlong hakbangin o proseso sa  National ID system.

“This entire process is not an easy task especially that there is still a threat of coronavirus infection. We will extend all the assistance that we could provide to make it easier and safe both for PSA personnel and the local residents,” ayon kay Eleazar.

Target ng pamahalaan na makapag-isyu ng 92 million national IDs  para sa mga Filipino hanggang Hunyo 2022 alinsunod sa National ID System o Phi­lippine Identification System (PhilSys), na isinabatas noong 2018 na naglalayon na pagkalooban ang bawat Pinoy ng  unique number at  ID card na isang hakbangin upang maging madali sa mamamayan na magkaroon ng mabilis na access sa  banking system at iba pang government  services.

“Even before, our SILG Año, being the vice chairman of the NTF on CO­VID-19, has been reminding us about the activities of the PSA during the time of pandemic because the National ID System is a law that must be complied,” ani  Eleazar.

Ang implementasyon ng National ID System ay laging tinatalakay kasabay ng meetings ng  National Task Force on COVID-19 na pinamumunuan ni  Defense Secretary Delfin Lorenzana at  Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Disease (IATF-MEID) na dahilan upang awtomatikong itinala ang mga PSA personnel bilang Authorized Persons Outside Residence (APOR) o bago pa pasimulan ang  ipinatutupad na community quarantine.  VERLIN RUIZ

Comments are closed.