SA pambansang kasaysayan ng Pilipinas, patuloy na hamon ang nararanasan ng sistemang panghustisya, lalo na sa usapin ng congested na mga bilangguan.
Ang mga kulungan na itinataguyod sana bilang mga institusyon ng rehabilitasyon ay mas nakikilala na ngayon bilang lugar ng overpopulation, katiwalian, at tila nagiging sentro na ng mga paglabag sa karapatang pantao.
Ang siksikan na ito ay nagdudulot ng iba’t ibang isyu sa sistema ng katarungan at sa kalagayan ng mga bilanggo. Sa pagtutok sa usaping ito, mahalaga na pagtuunan natin ng pansin ang mga aspeto ng sistema ng bilangguan na nagiging sanhi ng siksikan at ang mga epekto nito sa mga bilanggo at sa lipunan.
Isa nga naman sa pangunahing sanhi ng siksikan sa mga bilangguan ay ang pagdami ng mga bilanggong nakakulong dahil sa maliliit na krimen.
Kailangan nating suriin ang ating sistema ng katarungan at hanapin ang mga paraan upang mabawasan ang bilang ng mga bilanggo sa bansa.
Nariyan din ang kakulangan sa imprastruktura at pasilidad sa mga bilangguan na nagiging dahilan din ng siksikan. Ang mga bilangguang puno hanggang sa bubong at kulang sa basic na pangangailangan, tulad ng karampatang gamot at edukasyon, ay nagbibigay ng hindi maayos na kondisyon para sa mga bilanggo.
Ang mabagal na pag-usad ng kaso ay hindi lamang nagpapahaba sa pagkakabilanggo ng mga tao, kundi nagdudulot din ng pagdami ng mga bilanggong hindi pa napapatunayan ang kanilang kasalanan.
Mahalaga ang agarang pagtugon sa mga kaso upang mapanatili ang integridad ng sistema ng katarungan.
Kaya inilunsad ng pamahalaan, kasama ang Supreme Court (SC), Department of Justice (DOJ), at iba’t ibang ahensya at sektor, ang National Jail Decongestion Summit.
Layon nitong makabuo ng komprehensibong pagsusuri sa sistema ng pagkakabilanggo at solusyunan ang problema ng sobra-sobrang dami ng bilangguan sa bansa.
Sa pamamagitan ng summit, inaasahang makakabuo ng mga hakbang upang mabawasan ang bilang ng mga pumapasok sa bilangguan at dagdagan ang bilang ng mga napapalaya, lalo na para sa mga uri ng kababaihan na sangkot sa paglabag sa batas.
Kita rin ang pangangailangan ng sistema ng bilangguan sa pangangalaga ng mga minor na nagkasala, mga kababaihang biktima ng pang-aabuso, buntis na mga nagkasala, nagpapasuso, may kapansanan, at matandang bilanggo, na kaakibat ng kampanya ng gobyerno laban sa karahasan sa mga kababaihan.
Sa isang survey noong Disyembre 2021, sinasabing mayroong 199,079 mga bilanggo o mga persons deprived of liberty (PDLs). Ibig sabihin, mayroong mga 179 PDLs kada 100,000 katao sa populasyon.
Ang 13,704 sa mga PDLs na ito ay mga babae na katumbas ng 11 porsiyento ng kabuuang populasyon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ang summit ay naglalayong pagtuunan ng pansin ang mga root cause ng overpopulation sa mga bilangguan at bigyang-diin ang pangangailangan para sa makabagong mga pamamaraan at reporma sa sistema ng hustisya.
Isa itong pagkilos na naglalayong wakasan ang kultura ng kalakaran na nagbubunga ng mabagal at labis na pagtakbo ng katarungan.
Isa sa mga pangunahing isyu na tinalakay sa summit ay ang paghahanap ng mga alternatibong paraan ng parusa at rehabilitasyon kaysa sa agarang pagpapatapon sa piitan. Hindi raw dapat maging sagot ang pagpapakulong sa lahat ng pagkakamali.
Para nga sa pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dapat nating bigyang-diin ang rehabilitasyon, edukasyon, at pagbabago ng sistema upang masolusyunan ang pinakaugat ng problema.
Bukod dito, sa talumpati ni PBBM na binasa ni Executive Secretary Lucas Bersamin, kinilala rin ng Presidente ang kahalagahan ng mabilisang pagtakbo ng kaso at pagpapatupad ng makatarungan at modernong proseso.
Ang pagsusumikap na ito ay hindi lamang naglalayong gawing makatarungan ang sistema, kundi higit pang pumipigil sa paglaki ng bilangguan at naglalatag ng pundasyon para sa mas mabuting kinabukasan ng ating bansa.
Tunay na ang pagpapabuti sa mga bilangguan ay hindi lamang makakatulong sa mga bilanggo kundi magbubunga rin ng mas maayos at makatarungan na lipunan para sa ating lahat.