ILANG national road sections sa northern Luzon ang hindi madaanan dahil sa landslides o pagbaha na dulot ng pananalasa ng bagyong Ompong, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinabi ni Public Works Secretary Mark Villar na may 19 road sections sa Cordillera Administrative Region (CAR) ang sarado, kabilang ang dalawang major roads patungo at pababa mula sa Baguio City — Kennon Road at Tuba Section ng Marcos Highway.
“Kaya ‘yung mga papunta at pababa kailangang gamitin ninyo po ang Naguilian Road. Naguilian lang po ang open papuntang Baguio po,” wika ni Villar.
Ang iba pang kalsada na may closed sections sa Cordillera ay ang Benguet-Vizcaya Road, Baguio-Bontoc Road, Abra-Ilocos Norte Road, Abra-Ilocos Sur Road, Claveria-Calanasan Road, Pico-Lamtang Road, Acop-Kapangan Road, Acop Cosalan Road, Banaue Hungduan-Benguet Road, Bulo National Road, Mt. Province Boundary-Kalanan Road, Kalinga-Abra Road, Mt. Province-Nueva Vizcaya Road, Mt. Province-Ilocos Sur at Junction Talubin-Barlig-Natonin Road.
Ayon pa sa kalihim, kasalukuyan na silang nagsasagawa ng clearing operations at mayroon silang nakaposisyong heavy equipment para mabilis na ma-clear ang ibang kalsada.
“Nagkaroon lang po ng landslide kaya medyo mag-ingat ang mga taga-CAR habang ongoing pa ang bagyo,” aniya.
Sa Region 1, ang lahat ng kalsada ay madadaanan maliban sa Tagudin-Cervantes Road kung saan kasalukuyan pang isinasagawa ang clearing operations.
Sa Region 2 ay apat na sections ng Daang Maharlika ang bukas na sa traffic, gayundin ang Bambang-Nueva Vizcaya Road.
Anim na road sections naman sa Region 3 ang nananatiling sarado, at ang mga ito ay ang Bigaap-Plaridel via Malolos Road, dalawang sections ng Daang Maharlika Road, Patabangan-Canili-Basal (madadaanan ang isang lane), Nueva Ecija-Aurora Road, Romulo Highway, Paniki-Camiling-Wawa Road at Olongapo-Bugalion Road.
Comments are closed.