INAPRUBAHAN na ng Philippine Sports Commission (PSC) ang pagpapatuloy ng training ng mga piling national team na hindi mas maaga sa Enero 10, 2022.
Maaaring gamitin ng national teams ang PSC facilities sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila, Philsports Complex sa Pasig at sa Baguio Training Camp.
Mahigpit na ipatutupad ng PSC ang ‘no vaccine, no entry’ policy sa pagpapatuloy ng training.
Kasalukuyang sinusuri ng ahensiya ang mga pasilidad na maaaring gamitin sa training. Nakikipag-ugnayan ang PSC sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa Philsports, at sa Pasig at Baguio city governments upang matiyak na naipatutupad ang lahat ng safety measures para sa proteksiyon ng national team members.
Kinukumpuni na rin ang mga dormitoryo na napinsala ng ulan.
Bumuo ang PSC ng isang technical working group na magsasagawa ng lahat ng kinakailangang paghahanda, kabilang ang pagsasapinal sa sports na maaaring i-accommodate sa nasabing mga pasilidad.
Ang Pilipinas ay sasabak sa international events sa 2022, kabilang ang Southeast Asian Games sa Hanoi sa Mayo at ang Asian Games sa Hangzhou, China sa Setyembre.
Ang lahat ng kinauukulang national sports associations ay aatasang magsumite ng sarili nilang health-safety protocols para sa pag-apruba ng PSC medical unit.
Sa mga unang araw ng COVID-19 lockdowns, ilang PSC venues ang ginamit bilang quarantine facilities para sa COVID-19 patients. CLYDE MARIANO