(Natuklasan ng senador) MARAMING BENEPISYARYO NG EDUC SERVICE CONTRACTING HINDI MAHIRAP

HINDI  makatarungan. Ganito inilarawan ni Senador Win Gatchalian ang paglalaan ng slots para sa mga benepisyaryo ng Educational Service Contracting (ESC) na karamihan, ayon sa datos, ay mula sa non-poor households.

Sinuri ng tanggapan ng senador ang datos mula sa Annual Poverty Indicators Survey (APIS) 2020 and 2022 at natuklasang para sa School Year 2020-2021, 68% ng mga ESC recipients ay galing sa mga non-poor households o iyong mga pamilyang ang kabuuang kita ay lagpas o katumbas ng per capita threshold. Para sa School Year 2019-2020, 59% ay galing din sa mga non-poor households.

Ang ESC ay isang partnership program ng Department of Education (DepEd) na layong solusyunan ang congestion o bawasan ang siksikan sa mga mga public junior high school. Sa ilalim ng programa, babayaran ng gobyerno ang matrikula at ibang bayarin ng mga mag-aaral na mapipiling benepisyaryo mula sa mga pampublikong paaralan upang pumasok sa mga pribadong paaralang kinontrata ng DepEd.

Ayon kay Gatchalian, sinasalamin ng mga numerong nabanggit ang naging ulat ng Commission on Audit (COA) noong 2018.

Sa isang Performance Audit Report, nirekomenda ng komisyon sa DepEd na tiyaking bibigyang prayoridad sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) ang mga nangangailangang mag-aaral. Ang ESC ay isang programang nasa ilalim ng GASTPE.
Batay sa pagsusuri ng tanggapan ng senador, maaaring umaabot na sa P8.6 bilyon ang leakage mula sa ESC program o iyong pondong napunta sa mga hindi mahihirap.

“Para sa akin, hindi makaratarungan ito. Humihingi tayo ng pondo, binibigay natin sa hindi mahihirap. At bilang mga taxpayers, lumalabas na pinopondohan natin sa programa ang hindi mahihirap,” ani Gatchalian sa isang pagdinig sa pagpapatupad ng ‘Expanded Government

Assistance to Students and Teachers in Private Education Act’ (Republic Act No. 8545) o ng e-GASTPE law.

“Intensyon ng batas na bigyang prayoridad ang mga mahihirap. Para sa akin, likas na sa atin yun.

Alam naman nating kulang ang pondo at tuwing budget season, palagi nating ipinaglalaban ang mga panukalang pondo natin, at mula sa limitadong natatanggap natin, dapat bigyan natin ng prayoridad ang mga mas nangangailangan,” ani Gatchalian.

Kinumpirma ni Atty. Tara Rama, Director III ng Government Assistance and Subsidies Office (GASO), na sa ilalim ng ESC guidelines mula sa taong 2017, hindi mandato kundi ‘preference’ lamang ang binibigay sa mga mahihirap na mag-aaral para mapiling benepisyaryo ng programa.

Gayunpaman, inaayos na ng GASO ngayong taon ang rebisyon ng naturang guidelines.

Sa pagtatapos ng pagdinig, inirekomenda ni Gatchalian na bigyang prayoridad ang mga mahihirap sa mga tulong pinansyal sa mga pribadong paaralan. Balak din ng senador na amyendahan ang e-GASTPE law.
VICKY CERVALES