NATUPAD NA PANGARAP NI BING SIOCHI

SA kagustuhang hindi mawala sa paningin ang mga magagandang tanawin na kanyang pinupuntahan, ipinipinta ang mga ito sa kambas ng prolific artist na si Bing Siochi, na kalaunan ay naisipan niyang gawing libro.

Pangarap na natupad ang paglulunsad ng libro ng landscape paintings ni Siochi nitong Disyembre 8 lamang na isinabay sa kanyang solo art exhibit sa Gallery Y sa SM Megamall Mandaluyong City.

Sa kabila ng edad nitong 82 ay wala pa ring kapaguran sa road trip patungong mga probinsiya si Siochi na kung saan may magagandang tanawin ay doon ito humihinto upang magpinta.

Naipinta nito ang paligid ng hinahangaang Taal Lake sa Tagaytay, ang kapatagan ng Morong sa Rizal, ang kabukiran ng Imus sa Cavite, ang maalon na dagat ng Lobo sa Batangas at marami pang ibang lugar na kanyang dinayo.

Para sa kanya, nais niyang hindi malimutan ang hitsura ng mga lugar dahil ilan sa mga ito ay tinatayuan na ng subdivision o gusali kaya naisipan niya itong isalibro.

Naging matagumpay ang event na sinaksihan ng kanyang mga kaibigan, kapintor, mga mahal sa buhay at kolektor.

Para kay Siochi wala na siyang mahihiling pa dahil nailunsad na ang kanyang libro na koleksiyon ng kanyang mga emosyon at pangarap.

Magtatagal ang art exhibition habggang Disyembre 22. SCA