PINAWI ng ilang eksperto at political analyst ang pangambang mauuwi sa pagkasira ng magandang foreign relations sa pagitan ng Filipinas at China ang ‘di mamatay-matay na isyu ng banggaan ng bangka sa Reed Bank noong nakaraang buwan.
Sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery & Cafe sa Quezon City, sinabi ni Prof. Ramon Casiple, executive director ng Institute for Political Electoral Reform, na dapat maintindihan ng mamamayan nawalang dapat pag-awayan ang Filipinas at China sa naturang usapin.
Aniya, pinupolitika lamang ng ilang mga kritiko ng administrasyong Duterte ang naganap na pagkakabangga sa fishing boat ng mga Pinoy sa Reed Bank na pakana ng mga nasa dating pamahalaan.
Sinabi nito na hindi dapat pabayaang masira ang magandang ugnayan ng dalawang bansa bunsod ng may magandang benepisyo ito sa ekonomiya ng bansa.
Ipinaliwanag nito na noon pa man ay may understanding na ang dalawang bansa kaugnay ng exploration sa Reed Bank na pinaniniwalaang mayaman sa langis o natural gas, kung kaya’t hindi pinababayaan ng China.
Idinagdag pa ni Casiple na noong 2004, nagkaroon ng seismic study ang China, Vietnam at Filipinas ukol sa natural gas ng lugar.
Ganito rin ang paniwala ni Prof. Rommel Banlaoi, pangulo ng Philippine Society for Intelligence and Security Studies na aniya’y hindi lamang territorial ang pinag-uusapan dito kundi higit sa lahat ay commercial ang naturang usapin.
Ayon kay Banlaoi, noon pa man ay sinubukan nang pag-aralan para pasukin ng grupo ng negosyante na maglagay ng pipeline mula Malampaya patungong Reed Bank para sa natural gas, subalit ito’y naharang ng China.
Maging ang Amerika ay hindi rin bumibitaw sa isyu ng Reed Bank dahil sa taglay nitong natural gas na aniya’y noon pang 1970s nang simulang magsagawa ng research dito, kaya marami na rin ang naglitawang mga claimant sa bahagi ng West Philippine Sea maging ang ilang karatig bansa sa Asya partikular ang Vietnam.
Sakaling maisakatuparan ang joint natural gas exploration sa pagitan ng Filipinas at China, maaaring maging self sufficient ang bansa sa loob ng 50 taon.
Nabatid na ang Malampaya na pinagkukunan ng langis ay pinaniniwalaang tatagal na lamang sa loob ng 20 hanggang 30 taon kaya kinakailangan nang kumilos ng pamahalaan. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.