‘NATURAL REPELLENTS’ KONTRA LAMOK, IGINIIT

Lamok

NANAWAGAN si House Assistant Majority Leader at ACT-CIS party-list Rep. Niña Taduran sa Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care (PITAHC) na higit pang pagtuunan ng pansin ang pananaliksik sa mga halamang-gamot na maaaring magamit laban sa lamok.

Ngayong panahong laganap ang sakit ng dengue, na dala ng kagat ng lamok, kung saan nakababahala na rin ang naitatalang bilang ng mga namatay bunsod ito, kinakailangan ang pagkakaroon ng mabisang pamuksa sa naturang insekto, ayon sa solon.

Bukod sa dengue, ang tinagurian ding Aedes Egypti mosquitoes ang siya ring pinagmumulan ng iba pang ‘life-threatening viruses’ gaya ng Japanese Encephalitis, Chikungunya at Malaria.

Sa Bicol pa lamang, na ‘home region’ ni Taduran, nasa 40 katao ang binawian ng buhay at mahigit sa 4,000 ang tinamaan ng dengue virus sa nakalipas na pitong buwan.

“The Health department has declared a national dengue epidemic due to the fast increasing number of dengue victims in the country. From January to July of this year, 146, 062 people have been hospitalized due to dengue.” Sabi pa ng ranking house leader.

Kaya naman bukod sa isinusulong na 4S o ang “Search and destroy, Self-protection measures, Seek early consultation and Say yes to fogging” Program ng Department of Health (DOH), iginiit ni Taduran ang dapat ding gumawa ang lahat ng sarili nilang hakbang upang makaiwas sa kagat ng lamok.

Aniya, mas mainam kung natural na sangkap ang gamit para hindi madapuan ng lamok at sa aspetong ito ay mayroong malaking papel na gagam­panan ang PITAHC.

Sa ngayon ay may mga tinukoy na mabisang ‘natural mosquito repellents’ gaya ng citronella, thyme, cinnamon, lavender, neem tree at tea tree, subalit wala pang pormal na pag-aaral na naisagawa hinggil dito.

Kaya naman apela ni Taduran sa PITAHC, matutukan at palakasin ang kanilang pananaliksik hinggil sa mga herbal plant na magagamit laban sa lamok at kapag pumasa sa pagsusuri, napatuna­yang epektibo at ligtas ito, ay mapagamit sa taumbayan. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.