NATURALIZED PLAYERS PUWEDENG MAGING PBA IMPORTS

MAAARING maglaro ang naturalized Filipino players sa  PBA subalit bilang imports lamang, ayon kay league chairman Ricky Vargas.

Inamin ni Vargas na sa ngayon ay malabong payagan ang naturalized players na maglaro bilang locals sa PBA.

“Sa ngayon, the door is closed pa on that, that they become a local player in the pro league,” wika ni Vargas.

“We have not looked at it favorably at the moment,” paliwanag niya.

Lumutang ang isyu ng paglalaro ng naturalized players bilang locals sa PBA makaraang magpahayag sina Andray Blatche at Marcus Douthit — kapwa naturalized centers — ng intensiyong maglaro sa liga.

Si Blatche, 35, ay kinatawan ng Pilipinas sa dalawang  edisyon ng  FIBA Basketball World Cup, subalit hindi pa naglalaro sa PBA.

Samantala, si Douthit, 41, ay naging import ng Air21 noong 2012 at ng Blackwater noong 2015. Naglaro rin siya para sa Gilas Pilipinas sa ilang events, kabilang ang FIBA Asia Asia Championship, FIBA Asia Cup, at ang Southeast Asian Games.

Aminado naman si Vargas na karapat-dapat ang dalawang players sa oportunidad na maglaro sa PBA.

“Our naturalized players who served the country should at least be given a chance to play with us. As imports, pwede, ‘di ba?” aniya. CLYDE MARIANO