ISABELA – KASALUKUYANG nasa intensive care unit ng Southern Isabela General Hospital (SIGH) Santiago City, ang isang grade 7 student nang magkaroon ito ng sakit na ano’y kabilang sa mga maling epekto ng Dengvaxia vaccine.
Si Gng. Remedios Dancel, residente ng Maligaya, Echague, ay nag-aalala sa kalagayan ng kanyang anak na 12 anyos.
Nabatid na noong Setyembre 2017 ay nabakunahan ang bata ng anti-dengue habang ito ay nag-aaral ng Grade 6 sa isang paaralan sa Quezon City.
Magugunitang bago umano umuwi sa lalawigan ng Isabela ay nakatira ito sa kanyang lola na siyang nagpapaaral sa kanya sa nasabing lungsod.
Dahil sa matanda na at naging masakitin ang lolang nagpapaaral sa kanya ay inihatid ito sa kanyang magulang sa bayan ng Echague, Isabela noong buwan ng Marso.
Dito na nila napansin si Jerome ay may nararanasang sakit katulad ng mga nararanasan ng mga naunang napaulat na naospital dahil naturukan ng kontrobersiyal na Dengvaxia.
Kagaad nilang dinala sa pagamutan ang kanyang anak na ayon pa sa magulang ay anim na araw na umanong nakararanas ng pananakit ng ulo at tiyan at nilalagnat pa ito.
Wala umanong doktor na kumausap sa kanila kundi nurse lamang ang nagsabi na namamaga ang puso ng kanyang anak.
Sinabi naman ng tiyahin ng bata na si Helen Diaz na may hawak silang card na nagpapatunay na naturukan ng Dengvaxia vaccine ang kanyang pamangkin habang nag-aaral ng Grade 6 sa Quezon City.
Sinabi naman ng pamunuan ng nasabing hospital sa mga magulang na huwag silang mag-alala, sa mga may kasong katulad ng naturukan ng Denvaxia na kung may nararamdaman na ang kanilang mga anak na hindi maganda sa kanilang katawan ay kaagad na nila itong dalhin sa pagamutan at kung anuman ang gastusin ay wala silang babayaran at libre lahat ito. IRENE GONZALES
Comments are closed.