NARARAPAT na tapusin na o desisyunan na ng Korte Suprema ang election protest ni dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na isinampa nito laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito ang iginiit ni House minority leader Bienvenido Abante upang hindi magkaroon ng problema sa succession kasunod ng mga ulat na mayroon umanong iniindang sakit si Pangulong Rodrigo Duterte.
“Dapat magkaroon na ng closure yan!,” ani Abante dahil mahigit apat na taon na ang kaso subalit wala pang desisyon ang Korte Suprema na nagsisilbi rin bilang Presidential Electoral Tribunal (PET).
Inayunan ng mambabatas ang pangamba ng marami na kapag may mangyaring masama kay Duterte ay magkakaroon ng problema kapag si Robredo ang papalit sa presidency dahil nakabinbin pa ang election protest ni Marcos laban sa kanya at isyu ng pandaraya.
“That’s correct (magkakaroon ng stability sa line of sucession) the election protest should be acted upon with dispatch by the PET,” ayon pa kay Abante.
Base sa Saligang Batas, ang pangalawang pangulo ang papalit kapag nag-resign o namatay ang nakaupong Pangulo.
Gayunpaman, hindi isinasantabi ni Abante na maging malaking isyu ulit kapag si Robredo ang papalit kay Duterte dahil hindi pa tapos ang election protest na kinakaharap nito.
Matapos ang election noong 2016 ay nagsampa na ng election protest si Marcos laban kay Robredo subalit higit apat na taon at kalahati na itong dinidinig ng PET ay wala pa rin desisyon hanggang ngayon.
Nabatid na lalong tumagal ang desisyon ng PET nang hawakan ni Associate Justice Marvic Leonen ang election protest ni Marcos noong nakaraang taon kaya marami ang nangangamba na mawawalan ng silbi ito lalo na’t dalawang taon na lamang ay tapos na ang termino na pinaglalabanan nila Marcos at Robredo.
Unang hinawakan ni dating Associate Justice Ben Caguiao, classmate ni Aquino sa Ateneo, ang election protest ni Marcos hanggang sa ito ay napalitan matapos matalo sa botong 11-2 ng mga mahistrado ng PET ang opinyon isinulat nito na naglalayon sana na ibasura ang election protest na inihain ni Marcos.
Kagaya ni Caguioa, Si Leonen ay appointee rin sa Korte Suprema ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na dati rin namuno sa Liberal Party (LP) at partidong kinaaaniban ni Robredo ngayon at siyang nagsisilbing lider nito sa kasalukuyan.
Maraming pumupuna na pawang mga ‘kaalyado’ ni Aquino sina Caguioa at Leonen dahilan kung bakit ayon sa mga kritiko ay apat na taon nang tulog ang kaso ni Marcos sa PET. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.