TULUYAN ng hindi nagising sa mahimbing na tulog ang isang lalaki na nagpahinga sa center island ng kalsada makaraang magulungan ng isang tractor head truck na nawalan ng kontrol sa Binondo, Manila kahapon ng madaling araw.
Nakasuot ng kulay blue na t-shirt at maong short ang di pa nakikilalang lalaki at umano’y natutulog sa center island ng kalsada habang kinilala ang driver ng trailer truck na si Jesus Operio Jr y Villasor, nasa wastong edad ng 291 Kawit St. Balut, Tondo,Manila.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD), dakong ala-1 kahapon ng madaling araw nang naganap ang insidente sa Southbound lane ng Delpan Bridge habang pababa sa bahagi ng Binondo, Manila kung saan minamaneho ng suspek ang kanyang tractor head na may plakang AWA 4868.
Nabatid na nawalan umano ng kontrol sa kanyang pagmamaneho ang driver ng trak kaya pinihit nito sa kaliwang bahagi ng kalsada at aksidenteng nagulugan ang biktima na natutulog sa center island at nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Nasa kostudiya na ng pulisya ang driver ng trak at pinag-aaralan na ang posibleng kasong isasampa laban rito. PAUL ROLDAN