MARAHIL itong nakaraang birthday celebration ni Marinduque Congressman Lord Allan Jay Velasco at ng kanyang kabiyak na si Wen ang isa sa mga ayaw na nilang maalala.
As usual, bongga ang birthday celebration ng mag-asawa at ang lagi nilang iniimbitang guest of honor na si Pangulong Duterte ay nandoon naman pero bakit kaya tila malungkot si Lord sa kanyang pagdiriwang?
Ang kuwento pa nga ng ilang kongresistang naroon ay nasabi raw ni Lord na sana pala ay hindi na lang niya inimbita ang Pangulong Digong.
‘Di ba lagi namang sinisigurado ni Lord na mapa-birthday o mapabinyag ay nandoon lagi ang Pangulo o ‘di kaya ay ang anak na si Davao City Mayor Inday Sara? Bakit kaya ngayon ay tila nagsisi si Lord sa pag-imbita sa Pangulo?
Paano kasi, sa halip na makapante si Lord na siya na ang susunod na Speaker ay lalo pa siyang kinabahan sa speech ng Pangulo sa kanyang birthday.
Ito kasi ang usapan sa term sharing agreement nila ni Taguig Congressman Alan Peter Cayetano na ang Pangulo mismo ang nag-apruba at namagitan sa dalawang panig: Si Cayetano muna ang uupo sa unang 15 buwan bilang Speaker, at pagkatapos ay si Lord naman sa huling 21 buwan ng 18th Congress. Natupad naman ito sa panig ni Cayetano.
Ang problema ngayon ni Lord ay kung matutuloy pa ba ang kasunduan dahil ito ang sinabi ni Tatay Digong sa mga kongresista na dumalo sa birthday niya: “Kung iyan ang usapan, term-sharing, nasa inyo na ‘yan if the parties would honor.”
Ang sabi pa ng Pangulo: “I am not forcing anybody to take a stand. It’s your choice because the agreement and the choice is yours. You can make or unmake the Speaker (Hindi ko pinipilit ang sinuman na pumanig kaninuman. Karapatan niyo ang pumili dahil ang kasunduan at ang pagpili ay nasasainyo. Kayo ang may kapangyarihan para mailulok o matanggal ang isang Speaker).”
Ang inaasahan kasi ni Lord at ng kanyang misis ay ipatutupad ng Pangulo ang term-sharing. Umaasa sila rito dahil nakita naman nila na natupad ito kay Cayetano.
Pero tila nagbago ang ihip ng hangin. Ang mas matimbang sa Pangulo ay ang magandang performance kaysa ang pagiging malapit sa kanya sa pagbibigay ng kanyang suporta. Sabagay, ‘yan naman ang dapat. Ang bansa at ang mga mamamayang Filipino nga naman ang makikinabang kung ang suporta niya ay ilalagak sa karapat-dapat dahil sa buti ng ipinakikitang pagsisilbi sa gobyerno, kaysa naman doon sa ang kuwalipikasyon lang ay ang pagiging malapit sa pamilyang Duterte.
Napag-isip marahil ng Pangulo na bakit pa babaguhin ang kasalukuyang liderato sa Kamara kung maganda naman ang ipinakikitang trabaho sa Kongreso.
Tingnan ninyo nga naman, sa unang dalawang buwan pa lang na pagiging Speaker, nakapagtala na si Cayetano ng pinakamataas na rating kumpara sa mga dati niyang kapwa Speaker sa pinakahuling survey ng Pulse Asia. Ang trust rating ni Cayetano na 62% at approval rating na 64% ay masasabing record-high na ratings. Mas mataas pa ang ratings ni Cayetano kaysa kay Vice President Leni Robredo. Ngayon lang nangyari ito.
Bukod pa riyan, umani ng papuri si Cayetano mula sa mga kapwa niya kongresista dahil sa unang pagkakataon, bumango ang imahe ng Kamara de Representantes sa publiko. Tuwang-tuwa at ipinagmalaki ng mga kapwa niya lider sa Kongreso, tulad ni House Majority Leader Martin Romualdez ang magandang rating ni Cayetano. Hindi nga naman makakakuha ng mataas na rating ang Speaker kung hindi nirerespeto at kinikilala ng publiko ang accomplishments ng Kamara.
Sa panig naman ng Malacanang, walang duda na masaya sila sa performance ni Cayetano. Sa maikling panahon pa lang ng kanyang pagiging Speaker, naipasa na ng Kamara ang mahahalagang panukalang batas tulad ng mga tax reform bills ng Pangulong Duterte. At higit sa lahat, naipasa rin ng Kamara ang national budget para sa 2020 sa mabilis na panahon ng walang pork, walang ilegal na insertions at walang parking ng pondo.
Mahirap talaga na umaasa na lang sa padri-padrino para makuha ang gustong puwesto. Dapat ginalingan na lang ang trabaho, Take it from Speaker Cayetano. Tried and tested na ang outstanding performance para bumilib sa iyo ang lahat.
Comments are closed.