MAS pinalalakas ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang naval reserve force bunsod ng mahalagang papel nito sa pagpapaigting ng territorial defense ng bansa sa gitna ng security developments sa rehiyon.
Ito ang naging pahayag ni AFP chief General Romeo Brawner Jr. nang pangunahan niya ang pagtatapos ng pinakabagong batch ng Basic Citizen Military Course Class 08-24 at 09-24 finishers sa Baguio Country Club .
Nabatid na umabot sa 84 bagong graduates ang madadagdag sa Naval reserve force matapos na matagumpay na pagkumpleto sa training program.
“Maganda naman ang nangyaring graduation because now we have 84 new members of the naval reserve force. This is a big boost to our defensive posture because we are now currently trying to develop our reserve force,” ayon pa sa heneral.
Sinasabing dahil sa mga hamong kinakaharap ng bansa sa kasalukuyan ay kailangang paigtingin ang reserve force, sanayin ang mga ito, at tiyaking sila ay “prepared for any eventuality whether these are man-made or natural.”
“Kung makikita natin ang mga giyera na nangyayari sa buong mundo, like in Ukraine, in Israel and Gaza, the reserve force plays a very important role. Napakaimportante na ma-develop natin dito sa ating bansa ‘yung reserve force natin,” sabi pa ni Gen Brawner.
Magiging bahagi ang bagong graduates ng reserve force ng Philippine Navy na nakabase sa Northern Luzon.
Napag -alaman na nilikha ang Basic Citizen Military Course upang sanayin ang mga kalahok sa kinakailangang military skills at kaalaman na nagpapakita ng nasyonalismo at kahandaang magsilbi sa bansa sa panahon ng pangangailangan.
VERLIN RUIZ