JEJU ISLAND – DUMAONG kamakalawa ng gabi ang BRP Tarlac LD601 ng Philippine Na-vy lulan ang Naval Task Force 87 sa Jeju Island sa South Korea upang humabol sa International Fleet Review at Western Pacific Naval Symposium sa nasabing bansa.
Ang symposium ay dinaluhan din ng hukbong dagat mula sa iba’t ibang bansa.
Minsan pang ipinamalas ng PN na hindi ito ang unang pagkakataon na makipagsabayan sa iba’t ibang hukbong dagat mula sa mga kaibigan at kaalayadong bansa ng Filipinas.
Sinalubong mismo ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Robert Empedrad at Capt. Chou Inchouel, South Korean Navy Chief of Staff for Flotilla at Navy Captain Armil Angeles-Defense Armed Forces Attache ang contingent ng Philippine Navy Naval Task Force 87.
Sa ginanap na maikling welcome ceremony na idinaos sa wardroom ng BRP Tarlac LD601 ay pinapurihan ni Capt. Inchouel ang linis ng barko kasunod sa pagpapahatid ng kanilang pagtanggap sa mga kinatawan ng Hukbong Dagat ng Filipinas.
Sa nasabing pag-uusap ay nabanggit din ang pagtulong ng Filipinas sa South Korean noong Korean war at ayon sa mga Koreano ay kanilang tinatanaw na malaking utang na loob sa mga Filipino na nakipaglaban ng sabayan.
Ipinarating naman ni Empedrad sa kanilang counter part na kung kakailanganin ay handa muling lumaban ang Filipinas para sa isang kaibigan gaya ng South Korea.
Inihayag naman ni Inchouel na higit pang titibay ang relasyon ng South Korea at Filipinas kasunod ng pagbisita ng Philippine Navy sa kanilang bansa.
Layunin ng 3-day official port visit ng BRP Tarlac sa South Korea na maipakita sa buong mundo ang kakayahan ng hukbong dagat ng Filipinas na makasabay sa iba’t ibang naval exercise at makapagsagawa ng inter-operability operation kaagapay ang iba pang navies sa Asia at pacific na bahagi rin ng sa paglinang sa military relation sa iba’t ibang bansa. VERLIN RUIZ
Comments are closed.