NAVARRO PBAPC PLAYER OF THE WEEK

KUMARERA ang NorthPort sa ikatlong sunod na panalo at pinalakas ang kanilang playoff drive sa PBA Commissioner’s Cup, salamat sa superb performance ni rookie William Navarro.

Sumandal ang Batang Pier sa career-best performance ng dating Ateneo big man sa pagdispatsa sa dating red-hot Converge FiberXers, 112-97, upang sumampa sa Top 5 papasok sa homestretch ng eliminations.

Pinangunahan ni Navarro, naglalaro sa kanyang ika-5 game pa lamang magmula nang pumirma sa kanyang mother ballclub, ang 15-point win ng NorthPort sa likod ng kanyang 29 points, 17 rebounds, 9 assists, isang steal, at isang block para sa kanyang best all-around showing sa batang pro career.

Bumuslo ang 6-foot-6 forward ng 11-of-14 accuracy mula sa field, kabilang ang 3-of-4 clip mula sa downtown upang tampukan ang kanyang near triple-double play sa posibleng isa sa best statlines para sa isang PBA rookie.

Ang import-like numbers ay sapat para igawad kay Navarro ang Cignal Play-PBA Press Corps Player of the Week para sa Nov. 16-20 period.

Siya ang ikatlong Player of the Week ngayong conference para sa NorthPort matapos nina Arvin Tolentino at Robert Bolick.

Tinalo niya sina Meralco’s Raymond Almazan at Terrafirma’s Juami Tiongson para sa weekly honor na ipinagkakaloob ng mga nagko-cover ng PBA beat.

May isang laro na lamang ang nalalabi sa elims, ang Batang Pier ay nasa solo fifth spot na may 6-5 record.

At malaki ang kontribusyon ni Navarro sa naturang streak na may overall averages na 17.0 points, 10.0 rebounds at 3.8 assists sa limang laro.

Pinutol din ng Northport ang seven-game winning streak ng Converge, na naglaro na wala si import Quincy Miller.

CLYDE MARIANO