AGAD na sinibak sa puwesto ang hepe ng Navotas City Police kasunod ng utos ni Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-AIS) Atty. Alfegar Triambulo kay PNP-NCRPO Director BGen. Melencio Nartatez.
Ni-relieve na sa puwesto si Navotas City Chief-of-Police Col. Alan Umipig kaugnay sa kaso ng pagkakapaslang ng kanyang mga tauhan kay Jemboy Baltazar na biktima ng mistaken identity sa nasabing lungsod
Tinanggal sa puwesto ni Nartatez si Umipig kaugnay sa isyu ng command responsibility hinggil sa operasyon ng kanyang mga tauhan na nagresulta sa pagkamatay ni Baltazar.
Bukod kay Umipig, sibak din sa puwesto ang hepe ng station investigation section ng Navotas Police na si Capt. Juanito Arabejo at Chief Clerk na si Chief Master Sgt. Aurelito Galvez.
Kaugnay ito sa kanilang kapalpakan na hindi magsumite ng paraffin test at hindi paghahanap at pagpreserba sa mga ebidensya.
Matatandaang inirekomenda ng PNP-IAS kay Nartatez ang pagsibak kay Umipig dahil sa tangkang cover up nang madiskubre sa imbestigasyon na inutusan umano ni Umipig ang team leader na tanggalin sa kanilang report ang 11 pulis na kasama sa operasyon.
Dahil dito, ipinag-utos ni Triambulo ang pagsasampa ng kasong dishonesty at command responsibility laban kay Umipig.
Bukod kay Umipig, pinasasampahan din ng PNP-IAS ng kasong administratibo ang naturang 11 pulis dahil sa pag-abandona sa biktima na malinaw na paglabag sa police operational procedure.
Paglilinaw ng IAS, hiwalay pa ito sa anim na pulis na una nang nakasuhan sa insidente.
Samantala, nasa summary dismissal stage na ang kasong grave misconduct na una nang isinampa laban sa anim na pulis. VERLIN RUIZ