NAVOTAS NAMAHAGI NG LIVELIHOOD PACKAGES

NAMAHAGI ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ng livelihood packages sa 80 Navoteños sa ilalim ng Angat Kabuhayan program ng NavotaAs Hanapbuhay Center.

Sa bilang na ito, 30 ang senior citizens, 10 ang Persons with Disabilities (PWDs), 20 ang parents of child laborers, at 20 ang retired or displaced Overseas Filipino Workers (OFWs).

Kasabay nito, hinikayat din ang mga benepisyaryo na magsikap para umunlad ang kanilang mga negosyo at magtagumpay upang matulungan ang kanilang mga pamilya na makabangon mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Ang mga benepisyaryo ay pinili batay sa mga rekomendasyon mula sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO), Department of Labor and Employment (DOLE), at Office of Senior Citizen Affairs (OSCA).

Ang ilan ay may mga negosyong nagsara o nawalan ng trabaho o pinagmumulan ng kita dahil sa pandemya.

Dumaan sa business planning seminar ang mga benepisyaryo at nagsumite ng business plan para sa kanilang napiling livelihood package.

Nagsagawa rin ng entrepreneurship seminar ang NavotaAs Hanapbuhay Center upang matulungan sila sa pamamahala ng kanilang mga negosyo.

Kabilang sa mga livelihood package na ipinamahagi ay para sa sari-sari stores, rice dealership, food business, frozen goods, manicure at pedicure, at dishwashing soap production.

Nauna rito, nakatanggap din ng livelihood packages ang 10 solo parents sa ilalim ng Angat Kabuhayan Program. EVELYN GARCIA