INDANG, Cavite – Abot-kamay na ng Philippine Navy ang overall title kahit may isang araw pa ang natitira sa 14 na pinaglalabanang sports sa ikalawang edisyon ng Philippine Reserve Officers Training Corps Games (PRG) National Championships 2024.
Base sa bagong format na best-of-the-best final, nakahakot na ang Navy ng kabuuang 21 gintong medalya, 6 pilak at 9 tanso habang kasunod nito ang Army na may 7 ginto, 20 pilak at 14 tanso. Ikatlo ang Air Force na may 4 ginto, 6 pilak at 12 tanso.
Sinandigan ng Navy ang dominanteng unang paglahok ng De La Salle bilang parte ng hawak nitong Higher Education Institution na humakot ng 14 na ginto at 1 tanso mula lamang sa swimming sa paglangoy nina Kirk Dominique Reyes at Janelle Kyla Chua na may tig-limang ginto habang apat naman kay Shayne Francine Lugay.
Sa chess ay nagwagi sa standard event si Francois Marie Magpily ng De La Salle University (PN) sa women’s habang si Vincent Neil Cena ng John B Lacson College Foundation Bacolod (PN) ang nangibabaw sa men’s.
Sa taekwondo ay wagi sa women’s team event sina Kiana San Juan, Roanne Manalansan at Jee Ann Raambonanza ng Tarlac State University (Army) habang pangalawa sina Nicole Lyndly Asperea, April Joy Gabayoyo at Jodi Anne Valenzuela ng West Visayas State University-Main Campus (Air Force).
Kampeon naman sa men’s individual event sa finweight si Edrian Anselmo ng Rizal Technological University (Army), Mozart Rhyme Adviento ng De La Salle (Navy) sa flyweight, Jeff Rainiel Cayanan ng De La Salle (Navy) sa bantam, Ron Joshua De La Larte ng DLSU sa featherweight, Henrie Navarro ng University of Makati (Navy) sa llightweight, at Jasfer Lacson ng Maritime Academy of Asia and the Pacific (Navy) sa welterweight.
Sa table tennis ay nagwagi ang kambal na sina Revelina at Regine Elegino ng Aldergate College Inc. (Army) sa women’s doubles sa pagkolekta ng kabuuang apat na puntos para sa gintong medalya. Pangalawa sina Actxel Jen at Shoppy Lyn Condemilicor ng Univeristy of Negros Occidental-Recoletos (Air Force) at pangatlo Laiza Grace at Malinao at Felicity Ribo ng Mindanao State University-Buug Campus (Army).
CLYDE MARIANO