TAHASANG inihayag ng National Maritime Council (NMC) na hindi ‘withdrawal’ o pagsuko ang pag-alis ng BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal.
Ayon kay NMC Spokesperson Vice Admiral Alexander Lopez, ‘humanitarian’ ang pangunahing rason ng pagbalik ng BRP Teresa Magbanua sa Palawan dahil may mga tripulanteng nagkasakit at kailangan ng
atensyong medical bukod pa sa pangangailangan na mareplenish ang food and utility supplies ng barko.
Nilinaw ng NMC na hindi rin napagkasunduan sa Bilateral Consultation Mechanism ng Pilipinas at China sa Beijing kamakailan na aalis ang barko sa Escoda Shoal.
Lalong hindi rin umano ito mauuwi sa posibilidad na maulit ang ginawang puwersahang pag-okupa ng China sa Scarborough Shoal noong 2012, kasunod ng nangyaring standoff sa pagitan ng dalawang bansa.
“Scarborough Shoal is a lesson learned on our part. That’s why our government will ensure that there will be no ‘Scarborough Shoal Part 2’ that will happen,” ayon sa NMC.
Sinabi ni Lopez na mayroon nang utos ang liderato ng Philippine Coast na magpadala ng kapalit na barko sa Escoda Shoal.
Kaugnay nito, magpapatuloy ang maritime patrols ng mga barko ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang tiniyak ni Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad sa kabila ng pag-alis ng BRP Teresa Magbanua ng PCG sa Escoda shoal.
Kasabay nito, pinawi ng Hukbong Dagat ng Pilipinas ang pangamba ng publiko at sinabing nasa “close monitoring” nila ang Escoda shoal at ang kabuuan ng WPS.
Bukod sa maritime patrols, magpapatuloy din ang surveillance flights ng Philippine Navy katuwang ang Philippine Airforce aircraft sa WPS.
Iginiit ng China na may indisputable sovereignty ito sa Escoda shoal na tinatawag nilang Xianbin Jao maging sa mga katabing dagat nito.
Ginawa ng tagapagsalita ng Chinese coast guard na si Liu Dejun ang pahayag matapos umalis sa shoal ang barko ng Philippine Coast Guard na BRP Teresa Magbanua nitong Linggo pabalik ng Puerto Princesa, Palawan dahil sa masungit na lagay ng panahon at kakapusan ng suplay.
Subalit, ayon sa National Maritime Council ng Pilipinas na bumalik ang BRP Teresa Magbanua sa homeport nito nang mission accomplished.
VERLIN RUIZ