NAWALA SA BATANGAS NATAGPUAN SA NAVOTAS

NAVOTAS MAP

MATAPOS ang tatlong araw na paghahanap ng mga magulang sa kanilang limang taong gulang na anak na nawala sa Lipa, Batangas ay nagwakas na ito nang matagpuan sa Navotas kamakalawa.

Ayon sa ina ng bata na si Monalyn na isang barker, iniwan niya muna ang kanyang anak na si JM sa isang drugstore habang siya ay nagtatawag ng pasahero.

Sa kuha ng CCTV, isang lalaki ang nakitang lumapit at kumausap kay JM bago siya nawala.

Mula Lipa, dinala si JM sa Navotas upang gamitin sa pamamalimos.

“Dinala po siya sa amin nung sinasabing nakapulot. Sabi niya po ay nakuha niya lang dito sa may lugar ng Barangay San Jose pero naghinala po kami sa bakit hindi kilala ‘yung bata. Hindi po namin siya makausap nang maayos,” ani Ernan Perez, chairman ng Barangay San Jose sa Navotas.

Ayon kay Monalyn, tatlong araw nawala si JM at kung saan-saan na sila nakarating para mahanap siya.

Nakita si JM matapos mag-post sa Facebook ang barangay officials ng San Jose at makita ito ng kaanak ng bata.

“Hindi kami lahat makatulog ng pamilya dahil po sa batang ito,” anang lola ni JM na si Irene Reyes. “Kung di namin makikita, napakasakit po sa aming loob.”

Aminado naman si Edcel Antonio, na siya raw nagdala kay JM sa barangay, na ginamit niya ang bata sa pamamalimos.

Nananatiling nasa kustodiya ng Barangay San Jose si Edcel para imbestigahan bagama’t hindi na raw magsasampa ng kaso ang pamilya ni JM.                          EVELYN GARCIA