NAWALA SA RADAR: NAIA ISA SA PINAKAMALALANG PALIPARAN SA MUNDO

Susmaryosep! Tila parang minamaliit ng gobyerno ang malaking kapalpakan na nangyari sa unang araw ng 2023 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Mahigit 56,000 na mga pasahero ang naaberya dulot ng pagkasira ng air traffic control system ng nasabing paliparan.

Ang ibig sabihin nito ay nawalan ng gabay ang mga eroplano na palipad at paglapag sa NAIA. Umabot ito ng mahigit sampung oras. Mahalaga ang air traffic control dahil ito ang nagsisilbing mga mata ng piloto upang hindi magkaroon ng banggaan sa himpapawid at nagbibigay ng pahintulot kung maaaring lumapag at lumipad ang mga eroplano sa nasabing paliparan.

Heto pa. Unang sinisi ang Meralco kung bakit nawalan daw ng koryente ang kanilang radar upang tulungan ang trapiko ng mga eroplano. Mali pala. Ang dahilan ay ang lumang gamit ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa kanilang Communications, Navigation and Surveillance system ng kanilang Air Traffic Management (CNS/ATM).

Sa totoo lang lumang tugtugin na ang mga balita tungkol sa NAIA. Naka- tatlong administrasyon na tayo at parehas pa rin ang suliranin ng ating mga paliparan. Sinubukang pumasok ang pribadong sektor upang ayusin ang NAIA, subalit hanggang ngayon ay wala pang linaw ang isang komprehensibong pagsasaayos ng mga premyadong paliparan ng ating bansa.

Natatandaan ko pa na nagkaroon ng pagkakataon na nagsanib puwersa ang mga malalaking korporasyon ng ating bansa upang ayusin ang NAIA. Ang tawag nila ay NAIA Consortium. Nagsama-sama ang Aboitiz InfraCapital, Inc., AC Infrastructure Holdings Corp., Alliance Global Group, Inc., Asia’s Emerging Dragon Corp., Filinvest Development Corp., JG Summit Holdings, Inc., at Metro Pacific Investments Corporation (MPIC). Noong taong 2018, nagsumite sila ng isang unsolicited proposal upang i-rehabilitate, upgrade, expand, operate, at i-maintain ang NAIA sa loob ng 15 taon.

Anyare?! Mahirap kasi kapag ang pamahalaan ay masyadong madetalye sa mga ganitong mga usapan na wala naman malalim at sapat na karanasan. Minsan din ay maaaring pinapahirapan ang mga ganitong klaseng proposal na maaprubahan upang hindi makalimutan si ‘Eddie’ pagdating sa ayusan ng proyekto. Alam na natin ang tsismis dyan. Si ‘Eddie’. Si Kanadyan at si Koryano ay hindi dapat makalimutan.

Pwes, eto na naman tayo. “Back to square one”, ika nga. Kailan ba natin makikita ang tunay na pagbabago ng ating premyadong paliparan?

Nagbigay ng pahayag si Senator Grace Poe na gustong imbestigahan ang nasabing kapalpakan ng DoTR kasama na ang Manila International Airport Authority (MIAA) at CAAP na nasa ilalim ng nasabing ahensiya. Sa totoo lang, lalabas din ang resulta ng imbestigasyon ang mga suliranin ng NAIA na hindi maayos-ayos mahigit sampung taon na ang nakalipas. Luma na ang mga gamit. Rehabilitasyon ang kalilangan ng NAIA, karagdagang budget at kung ano-ano pa.

Ibibigay ko sa kanila, maski papaano, na wala pang kalahating taon ang mga namumuno sa DoTR. Ang alam ko ay sabay sabay na itinalaga si Capt. Manuel Tamayo bilang acting Director General ng CAAP at ang GM ng MIAA na si Cesar Chiong pagpasok ng ating DoTR Sec. Jimmy Bautista.

“Give them time to restore normal flight operations. After which, we will conduct an inquiry and direct them to submit a full report of what caused the supposed glitch and power outage,” ang sabi ni Sen. Poe.

Kung tunay at magkakaroon na kabuluhan ang gagawin na imbestigasyon ng Senado, dapat malaman talaga kung bakit usad pagong ang pagsasaayos ng NAIA. Noong buwan ng Mayo ng nakaraan na taon, lumabas sa isang ulat na ang NAIA ay ang ‘world’s worst airport para sa business class ng mga biyahero’. Mukhang, isama na rin natin ang ‘economy class’ matapos ang pangyayari noong ika-1 ng Enero. Haaaay!

Kaya sa pagsalubong sa 2023, laglag sa radar ang ating bansa kung ang pag-uusapan ay kalidad ng ating airport.

Tandaan, may malaking ganap tayo sa Agosto nitong taon, kung saan maraming dayuhan kasama na ang mga tanyag na mga manlalaro ng NBA ang bibisita sa ating bansa para sa FIBA World Cup.

Kaya DoTR, MIAA, at CAAP…HOY GISING!!!