NAMATAY sa heat stroke ang mahigit sa 43 libong mga manok mula sa Happy Nest Poultry Farm nang mawalan ng suplay ng kuryente at nasira pa ang breaker ng generators sa Bgy. Maravilla, Nagcarlan, Laguna noong Martes ng umaga.
Dahil dito, tuluyan ng nawalan ng suplay ng kuryente sa loob ng farm na naapektuhan ang dalawang gusali na naglalaman ng nasabing bilang ng mga manok sanhi ng kawalan ng aircon at ventilator.
Sa loob ng mahigit na kalahating oras, namatay lahat ng mga manok dahil sa sobrang init sa loob ng gusali na nauwi umano sa heat stroke na pawang tumitimbang ng dalawang kilo ang bawa’t isa na nakatakda pa naman itong i-deliver sa kanilang mga buyer.
Ayon kay Maravilla Bgy. Chairwoman Minda Ido, pag-aari ng isang Allen Tan ng Cavite ang naturang poultry farm kung saan tinatayang hindi bababa sa P6 milyon ang halaga ng pagkalugi nito.
Sa pangyayaring ito, nagdesisyon na lamang ang may-ari ng farm na ipamigay sa mga residente sa lugar ang mga namatay na manok para hindi masayang at mapakinabangan pa ng mga ito.
Ani Tan, ligtas naman itong kainin dahil hindi naman ito tinamaan ng sakit.
Kaugnay nito, nakatakdang ilibing malapit sa lugar ang iba pang natirang mga namatay na manok gamit ang backhoe at dumptruck. DICK GARAY
Comments are closed.