(Nawalan trabaho dahil sa ECQ) 2K TULONG SA RESIDENTE NG QC NA WALANG AYUDA

Joy Belmonte

IPINAHAYAG ng pamahalaang lokal ng Quezon City na ang mga residente ng lungsod na hindi sakop ng enhanced community quarantine (ECQ) financial assistance ng pamahalaan ay makakatanggap ng one-time P2,000 cash aid sa ilalim ng binuhay na Kalingang QC prog­ram.

Alinsunod sa Executive Order No. 19 S-2021, na   inisyu ng pamahalaang lokal, ang naturang financial assistance ay ipagkakaloob sa mga residente ng lungsod na nawalan ng trabaho o iba pang pagkakakitaan sa panahon ng implementasyon ng ECQ sa Metro Manila ngunit hindi entitled sa cash aid mula sa national government.

“We will prioritize persons who are physically residing in Quezon City and not receiving ayuda under the national government’s ECQ financial assistance and those who will not receive any form of cash aid,” ayon pa kay Mayor Joy Belmonte.

Aniya, ang mga entitled dito ay ang mga indibidwal na hindi tatanggap ng sahod, gayundin ang mga self-employed individuals na hindi pinapayagang makapagtrabaho sa buong panahon ng ECQ simula Agosto 6 hanggang 20.

“The order applies to any employment status, whether regular, probatio­nary, seasonal, part-time, project-based or fixed term employees,” dagdag pa ng alkalde.

Nabatid na ang Social Services Development Department (SSDD), Barangay Community Relations Department (BCRD), Public Employment Services Office (PESO) at ang Business Permits and Licensing Department (BPLD) ang may mandato na tiyakin ang episyente at epektibong implementasyon ng kautusan.

Ang mga eligible applicants aniya ay maaaring mag-fill up at magsumite ng aplikasyon kasama ng documentary requirements sa kani-kanilang barangay.

Matapos na ma-consolidate ng BCRD ang mga aplikasyon, isasailalim naman ito sa screening at beberipikahin nila, kasama ang SSDD, PESO at BPLD, para sa approval.

Ang lahat umano ng aplikante na maaaprubahan ay aabisuhan ng SSDD kung paano nila matatanggap ang kanilang ayuda.

Maaari umanong ito ay sa pamamagitan ng direct cash payout, electronic o digital means, cash card payments o di kaya ay transfer of funds sa pamamagitan ng local government.

Nabatid na kabilang naman sa documentary requirements ay ang QCitizen ID o government-issued ID na nagpapakita ng address ng benepisyaryo at sertipikasyon mula sa employer o pay slip na nagpapakita ng hindi pagkatanggap ng sahod sa panahon ng ECQ.

Ang mga self-employed individuals naman ay maaaring magprisinta ng residence certificate mula sa barangay at patunay na ang kanilang trabaho ay hindi pinapayagang mag-operate sa panahon ng ECQ, sanhi upang mawalan sila ng kita. EVELYN GARCIA

6 thoughts on “(Nawalan trabaho dahil sa ECQ) 2K TULONG SA RESIDENTE NG QC NA WALANG AYUDA”

Comments are closed.