ISANG Pinay sa Kuwait na may dalawang buwan nang nawawala ang natagpuang patay nitong linggo, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Kinilala ang nasawing Pinay na si Dafnie Nacalaban.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ang OFW ay may limang taon nang nagtatrabaho sa Kuwait. Ayon sa kanyang employer, umalis ang Pinay noong Oktubre, na huling pagkakataon din na nakausap niya ang kanyang pamilya.
Batay sa report, ang bangkay ng Pinay ay naagnas na nang makita sa bakuran ng kanyang amo noong Disyembre 31 makaraang i-turn over ang umano’y salarin ng kanyang sariling kapatid.
Ayon kay Cacdac, ang relasyon ng suspek sa biktima at ang timeline ng kanyang pagkamatay ay hindi pa malinaw.
“Hindi pa naitalaga ang timeline kung kailan talaga siya napaslang… Hindi pa malinaw kung employer niya ‘yung naaresto, pero may indibidwal na naaresto at siya ang prime suspect sa pagkamatay,” pahayag ni Cacdac sa TeleRadyo Serbisyo.
“Tayo ay nakikipag-coordinate. Mayroon tayong abogadong nakatutok sa kaso at nakikipag-coordinate sa Kuwaiti prosecution para malitis, mausig, at magkaroon tayo ng hustisya sa kaso na ito,” dagdag pa niya.
Ibinahagi ng kapatid ni Dafnie na si Michael na plano ng kanyang kapatid na umuwi sa Pilipinas noong Disyembre subalit nangyari ang krimen.
Sa mga nakalipas na taon ay ilang OFWs ang napatay sa Kuwait, kabilang si Jullebee Ranara, na natagpuan ang sunog na bangkay sa isang disyerto, at si Joanna Demafelis, na ang katawan ay inilagay sa isang freezer.