NAWAWALANG PARI NATAGPUANG NAKAGAPOS

CAVITE- MAKARAANG mawala ng halos dalawang araw, natagpuan kahapon sa Barangay Lumil sa bayan ng Silang ang nawawalang Parish Priest ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of the Most Holy Rosary-Reina de Caracol ng Brgy Poblacion sa bayan ng Rosario sa lalawigang ito.

Nabatid mula kay Lt Col Ruther Saquilayan, hepe ng Rosario Municipal Police Station, nakitang nakagapos sa loob ng kanyang sariling sasakyan at buhay ang nawawalang pari na si Rev Fr. Leoben Peregrino y Octavo, 58-anyos na hu­ling nakita noong umaga ng Biyernes, Abril 1 bago naiulat na nawawala sa pulisya kahapon.

Nabatid na sakay ng kanyang Mitsubishi Adventure na may plakang VES 470 si Father Peregrino patungong Imus para bumili ng kandila noong Biyernes ng umaga subalit mula noo’y hindi na ito nakabalik hanggang sa matagpuan dakong ala-1 ng hapon kahapon.

Si Fr. Peregrino ay 6 na taon ng nagsisilbing Parish Priest sa Rosario Cavite.

Kasalukuyang nasa isang pribadong ospital sa Sta Rosa, Laguna ang natagpuang pari para sa kinakailangan nitong medical attention at hindi pa nagbigay ng opisyal na pahayag ang Rosario MPS kaugnay sa pangyayari. SID SAMANIEGO/MHAR BASCO