NAWA’Y MAISAKATUPARAN ANG SOLAR-POWERED IRRIGATION SYSTEMS

MARAMI nang gumagamit at nagsusulong ngayon sa paggamit ng solar energy.

Hindi kailangang maging genius para matagos kung anong uri ng teknolohiya ito.

Sa solar, ang haring araw ang nagbibigay ng lakas o enerhiya para gumana ang ilaw o ibang kasangkapang gamit sa araw-araw ng mga consumer.

Nakukuha ang solar energy mula sa solar radiation sa anyo ng liwanag, init o ultraviolet rays.

Tunay na malinis ang enerhiyang ito.

Ito’y dahil ang pinagmulan nito ay isang walang limitasyong mapagkukunan.

Karamihan sa atin ay pamilyar sa mga solar panel o photovoltaic cells na sumasakop sa mga bubong o bahagi ng mga karaniwang elemento sa ating mga tahanan.

Sinasabing ito ang sumasagap ng enerhiya at inihahatid o iniimpok ito sa malalaking baterya para magamit ng mga consumer.

Kahit ang ilang malalaking kompanya sa bansa ay gumagamit na nito.

Isipin n’yo na lang kung gaano kalaki ang matitipid kapag naisakatuparan ito.

Kung hindi ako nagkakamali, ‘yung isang paaralan nga raw sa Batangas ay nakatitipid ng higit P11,000 sa electricity bill dahil sa paggamit ng solar panel.

Ang gusali nila at maging ang solar project ay donasyon lang ng isang foundation.

Hindi nga lang maitatanggi na mataas ang halaga ng installment at paggamit ng solar panels.

Magandang balita naman ang pakikipag-negotiate ng gobyerno sa Beijing para sa konstruksiyon ng solar-powered irrigation systems (SPIS) upang mapalakas daw ang farm production sa bansa.

Sabi nga ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa, ilalatag na nila sa China ang proposal para sa irrigation project.

Isusumite na raw sa National Economic and Development Authority (Neda) ang isang feasibility study (FS) ukol sa official development assistance-backed (ODA) project sa susunod na taon.

Katunayan, bumuo na pala ang DA ng isang project preparation team (PPT) na siyang hahawak sa FS ng proposed China SPIS project.

Si De Mesa raw ang chairperson ng PPT.

Pinaplantsa na ang technical specifications ng proyekto, kabilang ang kapasidad at bilang ng SPIS na maaaring itayo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Natatandaan ko pa na noong Agosto 2018, inanunsiyo ng Duterte administration na target nitong lagyan ng patubig ang 500,000 ektaryang sakahan sa pamamagitan ng SPIS.

Plano ng gobyerno na maglaan ng P43.7 bilyon para sa pagpapatayo ng nasa 6,250 SPIS hanggang sa matapos ang termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang isang SPIS naman na nagkakahalaga ng P7 milyon ay kayang patubigan ang 80 ektaryang sakahan.

Ang tinatayang 500,000 ektarya ng irrigated farms ay kaya naman daw mag-produce ng nasa 2 million metric tons (MMT) ng bigas.

Subalit sa kabila ng mataas na domestic output, 81.5 porsiyento lamang ng kabuuang rice supply ang na-produce noong 2022 na mas mababa kumpara sa 85 percent rate na naitala naman noong 2020.

Matagal na namang alam ng maraming Pinoy na mas mura na ngayon ang enerhiya mula sa araw kaysa fossil fuel energy.

Bumulusok na ang presyo ng solar energy at battery at nagsisimula na ngayong mag-supply sa karamihan ng maiinit na bansa.

Sa kabilang banda, kapuri-puri naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil kahit saang bansa siya mapunta ay inaapela niya ang paggamit at pamumuhunan sa renewable energy, gaya ng solar, wind, hydro, at iba pa.

Siyempre, suporta rin ito ng ating mahal na Pangulo sa dakilang pandaigdigang pagsisikap na maghahatid ng isang mas malinis na mundo para sa lahat.

Nawa’y maisakatuparan din ng DA ang SPIS project.

Isa pa, bawat tahanang Pilipino sana’y gumamit na rin ng solar technology.

Bukod kasi sa malaking menos sa gastusin, aba’y malaking tulong din ito sa pangangalaga sa ating Inang Kalikasan.