NBA: BULLS NAIS IPAMIGAY SI LAVINE

IKINAKASA ng Chicago Bulls ang pag-trade kay two-time All-Star guard Zach LaVine bago ang NBA draft sa susunod na linggo, ayon sa NBC Sports Chicago.

Pinalutang ni vice president of basketball operations Arturas Karnisovas ang hanggang 15 proposals na kinasasangkutan ni LaVine at ng ilang koponan, kabilang ang iSacramento Kings, Orlando Magic at Philadelphia 76ers.

Si LaVine, 29, ay hindi nakapaglaro sa malaking bahagi ng nakaraang season dahil sa right foot injury na nangailangan ng surgery. May average siya na 19.5 points sa 25 games (23 starts).

Ang pagpapakawala kay  LaVine, na dala ang cap na umabot sa $43 million noong 2024-25 at $46 million noong 2025-26, ay makatutulong sa Chicago para muling papirmahin sina DeMar DeRozan at  Patrick Williams ngayong offseason.

Na-draft mula sa UCLA bilang 13th pick ng Minnesota noong 2014, si LaVine ay naglaro ng tatlong  seasons sa Timberwolves bago dinala noong June 2017 sa Bulls kasama si  Kris Dunn at ang No. 7 overall pick para kay Jimmy Butler at sa No. 16 overall pick.

Mayroon siyang career averages na 20.5 points, 4.1 rebounds at 3.9 assists sa 580 games (491 starts).

Ang Bulls ay may 11th overall pick sa draft na magsisimula sa ­Miyerkoles.