NBA: CARTER NAGRETIRO NA

Vince Carter

INANUNSIYO ni Vince Carter, isa ‘most electrifying dunkers’ sa kasaysayan at nagpasikat ng basketball sa Canada, na opisyal na siyang nagretiro sa NBA.

Ginawa ni Carter, ang tanging player na na-draft noong 1990s na naglaro para sa  2019-2020 season, ang anunsiyo sa The Ringer podcast.

Ang 8-time All-Star ay naglaro sa walong magkakaibang koponan, kabilang ang Toronto Raptors, kung saan naglaro si Carter sa kanyang unang pitong taon sa liga.

Naging global sensation si Carter makaraang magwagi sa 2000 Slam Dunk Contest, isang tagumpay na nagsemento sa kanyang reputasyon bilang isa sa ‘most acrobatic high-flyers’ sa liga.

Kalaunan sa summer ay nanalo siya ng Olympic gold sa Sydney.

Si Carter, 43, ay ga­ling sa bench para sa Atlanta Hawks noong nakaraang season at naglaro sa kanyang huling NBA game noong March 11, ang parehong gabi na sinuspinde ang liga makaraang magpositibo sa COVID-19 si Rudy Gobert ng Utah Jazz.

“I’m officially done playing professional basketball,” wika ni Carter sa kanyang podcast “Winging It.”

Ang Hawks ay  20-47 bago sinuspinde ang NBA at hindi kabilang sa 22 koponan na kuwalipikadong sumabak sa muling pagbubukas ng liga sa Hulyo sa Orlando, na tumapos sa kanilang season at sa career ni Carter.

Si Carter ay fifth draft sa 1998 NBA Draft ng Golden State at ipinamigay sa Raptors, kung saan siya naging 1999 NBA Rookie of the Year, ang kanyang  high-leaping acrobatics ay nagbigay sa kanya ng 2000 NBA Slam Dunk Contest title at ng palayaw na “Air Canada.”

Naglaro rin si Carter para sa New Jersey Nets, Orlando Magic, Phoenix Suns, Dallas Mavericks, Memphis Grizzlies, Sacramento Kings at Atlanta bilang shooting guard at small forward.

Sa 1,541 regular-season games, si Carter ay may  average na17.2 points, 4.4 rebounds, 3.2 assists at1.0 steals kada laro.

Sa 2000 Olympics, pinangunahan niya ang US squad sa pagsikwat ng gold medal na may 14.8 points kada laro.

Comments are closed.