NEW YORK – Kinumpirma ng NBA ang pag-uurong sa 2020 draft sa Nobyembre 18 upang magkaroon ng karagdagang panahon na plantsahin ang mga detalye para sa petsa ng pagsisimula ng susunod na season.
Ang 2019-2020 playoffs ay nagpapatuloy pa sa quarantine bubble ng liga sa Orlando, Florida.
Ang pag-uurong sa draft ay nangangahulugan na maaantala rin ang simula ng free-agent signing period at ng susunod na season — na unang inasahan sa Disyembre.
“The revised date allows additional time to conduct the 2020 pre-draft process, gather more information about the potential start date for the 2020-21 season and advance conversations between the NBA and the National Basketball Players Association regarding related Collective Bargaining Agreement matters,” pahayag ng liga sa isang statement.
Kailangan munang itakda ng liga at ng players’ union ang NBA salary cap at ang luxury-tax line bago makapagsagawa ng trades ang mga koponan.
Ang numero ay base sa revenue projections na mahirap gawin sa harap ng patuloy na pananalasa ng coronavirus pandemic na nagpahinto sa 2019-2020 campaigm.
Sinabi ng liga na maging ang November 18 draft date ay maaari pang mabago kung hihingin ng pagkakataon.
Nakopo ng Minnesota Timberwolves ang number one overall pick sa draft, kasunod ang Golden State Warriors at Charlotte Hornets.
Comments are closed.