ISA pang Brooklyn Nets player, sa katauhan ni forward Taurean Prince, ang tinamaan ng COVID-19 at hindi lalaro sa muling pag-bubukas ng NBA ngayong buwan malapit sa Orlando, ayon sa ESPN.
Nauna nang nagpositibo sa coronavirus sina Nets center DeAndre Jordan, guard Spencer Dinwiddie at forward Wilson Chandler. Hindi rin makapaglalaro para sa Brooklyn sina forward Kevin Durant (torn Achilles) at guard Kyrie Irving (shoulder).
Sa ulat ng ESPN, ang Nets ay umalis patungong Florida noong Martes ng gabi.
Maaaring magdagdag ang Nets, nasa ika-7 puwesto sa Eastern Conference sa 30-34, ng apat na players sa kanilang roster upang palitan ang apat na nagpositibo. Ang training camps ay inaasahang magbubukas sa susunod na linggo, habang ang mga laro ay magsisimula sa Hulyo 30.
Ang unang laro ng Brooklyn ay kontra Orlando Magic, kasalukuyang kalahating laro sa likuran ng eighth place sa East, sa Hulyo 31. Ang Nets ay may nalalabi pang pitong laro.
Si Prince, 26, ay may average na 12.1 points at 6 rebounds sa 64 games (61 starts) bago matigil ang regular season noong Marso dahil sa coronavirus pandemic. Sa kanyang ika-4 na NBA season at una sa Brooklyn, may career averages siya na 11.6 points at 4.3 rebounds.
Comments are closed.