NBA: MAGIC ‘DI UMUBRA SA HEAT

Bam Abedayo Free Throw Line Shoot Magic vs Heat 2024

ISINALPAK ni Bam Adebayo ang go-ahead jumper sa free-throw line, may 18.8 segundo ang nalalabi, upang pangunahan ang host Miami Heat sa 99-96 panalo laban sa Orlando Magic noong Biyernes ng gabi.

Nagmintis si Magic star Paolo Banchero sa short banker, may 11.9 segundo ang nalalabi. Nakuha niya ang rebound at sumablay sa layup na nagbigay sana sa Orlando ng kalamangan.

Matapos ang dalawang  free throws ni Haywood Highsmith ng Miami, may tsansa si Banchero na ihatid ang laro sa overtime, subalit nagmintis siya sa 3-pointer sa ibabaw ng key.

Nagpatuloy ang dominasyon ng Heat sa  home kontra  Magic, kung saan tinalo nito ang Orlando sa ika-8 pagkakataon sa  Miami. Ang huling panalo ng Magic sa Miami ay noong March 2019.

Nanguna si Banchero sa lahat ng scorers na may 25 points, kabilang ang 10 sa fourth quarter. Nagtala rin siya ng 8  rebounds at 6 assists.

Umiskor si Moritz Wagner ng Orlando ng 19 points mula sa bench at gumawa si Chuma Okeke ng 16 points sa 4-for-8 shooting mula sa deep.

Nagbuhos si Miami’s Duncan Robinson ng team-high 23 points. nagdagdag si Adebayo ng 21 points at 11 rebounds para sa kanyang ika-19 na double-double sa season. Nag-ambag si Heat rookie Jaime Jaquez Jr. ng 19 points.

Naglaro ang Miami na wala ang dalawa sa kanilang top three scorers — Jimmy Butler (toe) at  Tyler Herro (shoulder). Lumiban din si Kyle Lowry (hand).

Jazz 145,
Raptors 113

Umiskor si Lauri Markkanen ng  22 points at nagdagdag si Jordan Clarkson ng 21 upang tulungan ang Utah Jazz sa kanilang ika-4 na sunod na panalo makaraang pataubin ang bisitang Toronto Raptors.

Tumapos si Collin Sexton na may 20 points, tumipa si Simone Fontecchio ng 13, kumabig si Walker Kessler ng 12, at nagsalansan si Kelly Olynyk ng 11 points at 10 rebounds para sa Utah, na nanalo ng pitong sunod sa home at umangat sa 10-2 overall sa kanilang huling 12 games.

Nagbalik si Pascal Siakam matapos mawala ng isang laro dahil sa back spasms at pinangunahan ang Toronto na may 27 points. Nagtala si Scottie Barnes ng 19 points, nakakolekta sina Immanuel Quickley at Jalen McDaniels ng tig-15, at nag-ambag si Dennis Schroder ng 12.

Clippers 128,
Grizzlies 119

Nagsalpak si Paul George ng pitong 3-pointers tungo sa  game-high 35 points at pinataob ng bisitang  Los Angeles Clippers ang Memphis Grizzlies.

Ibinuslo ni George ang 12 sa 18 shots overall para sa Los Angeles, na nakakuha rin ng 22 points sa 10-of-16 shooting mula kay Kawhi Leonard.

Nagdagdag si Amir Coffey ng 13 points at nagposte si Russell Westbrook ng 12 para sa Clippers. Kumana si James Harden ng 11 points at game-high nine assists.